Home NATIONWIDE Cha-cha sa pamamagitan ng pekeng PI, hindi napapanahon – Bong Go

Cha-cha sa pamamagitan ng pekeng PI, hindi napapanahon – Bong Go

Manila, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na hindi napapanahon para amyendahan ang Konstitusyon lalo na’t nababalutan ng mga anomalya na may kaugnayan sa pekeng people’s initiative campaign.

“Huwag nating pilitin ang isang pekeng PI para sa interes ng iilan. Kung proseso pa lang ng pagkuha ng pirma ay may halong panlilinlang na po, hindi pinaiintindi, marahil hindi po ito ang tamang panahon at paraaan para rebisahin ang ating Konstitusyon,” sabi ni Go sa kanyang opening remarks sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate committee on constitutional reform and people’s participation sa Davao City.

Ang Saligang Batas, ani Go, ay pundasyon ng demokrasya ng bansa kasabay ng pagsabing ang anomang pagbabago rito ay dapat na tunay na sasalamin sa kagustuhan ng tao at unahin ang kapakanan ng mga mahihirap na Filipino.

Ayon pa sa senador, nakababahala rin ang mga testimonya ng mga testigo kung ibinunyag nilang binayaran at inalok sila ng alokasyon mula sa social program ng gobyerno kapalit ng kanilang pirma sa PI.

“Kung totoo ito, klaro na hindi ito tunay na people’s initiative,” punto pa ni Go.

Sabi pa ng senador, dapat ginagamit sa tama ang pondo ng bayan at dapat walang ‘string attached’ ang ibinigay ng tulong ng gobyerno sa mamamayan.

“Ang pera ng bayan dapat gamitin para sa serbisyo sa ating mga kababayan. Walang kapalit ang tulong mula sa gobyerno. Pera n’yo po ‘yan. Kung mayroong sinuhulan, bribery po ‘yan at hindi po ‘yan free will ng Filipino people,” ani Go.

“Dapat po managot ang involved sa suhulang ito kaya nga po tayo nandirito. Huwag pagsamantalahan ang mga kababayan nating mahihirap para linlangin sila at makuha ang kanilang pirma para sa isang PI na hindi naman lubos na napag-aralan at napaintindi sa tao. Naghihirap na ang mga kababayan natin pinagsasamantalahan pa,” diin pa niya.

Ayon pa kay Go, dapat tutulan ang isinusulong na PI dahil tatanggalan nito ng boses ang Senado na siyang boses ng taumbayan.

“Magiging irrelevant po ang boses ng Senado. Parang balewala kami kung voting jointly ang magiging sistema,” paliwanag pa niya.

“Dapat mapaintindi ito sa taumbayan na parang isang boto na lang kami out of 316 plus 24, so 340 ‘pag voting jointly. Magiging balewala na po kahit wala ni isang senador na mag-aattend. Mawawalan ng boses ang mga senador na hinalal ng taumbayan mula sa iba’t ibang sulok ng bansa,” dagdag pa ng senador. RNT