Home METRO Chapel damay sa sunog sa Malate

Chapel damay sa sunog sa Malate

MANILA, Philippines- Nadamay sa sunog sa residential area sa Malate, Maynila ang isang chapel, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP) .

Ayon kay Fire Senior Superintendent Christian Cula, District Fire Marshal ng BFP-Manila, pawang gawa sa light materials o kahoy ang mga bahay na nilamon ng apoy sa Leon Guinto sa Malate, Maynila.

Karamihan sa mga bahay ay paupahan kung saan nagsimula ang sunog sa isang bahay sa gitna ng residential area .

Ayon pa kay Cula, dalawa ang sugatan sa sunog kabilang ang isang volunteer at isang BFP personnel na agad nilapatan ng paunang lunas.

“Yung isang bumbero natin kailangan matahi ‘yung sa injuries niya sa mukha,” paglalahad ni Cula.

Pahayag ng ilang mga seaman na umuupa sa mga bahay, napansin ang electric spark sa kisame mula sa isa sa mga bahay sa lugar.

Aabot sa 10 pamilya ang nawalan ng tirahan dahil sa sunog na nagsimula ng alas-12:21 ng madaling araw ng Lunes at idineklarang fire out pagsapit ng alas-3:30 ng madaling araw at itinaas sa ikatlong alarma.

Sa kabuuang pinsala, tinatayang aabot sa P500,000 ang structural damage dahil karamihan ay walang naisalba sa sunog.

Patuloy namang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog. Jocelyn Tabangcura-Domenden