MANILA, Philippines – Iginiit ni Senador Joel Villanueva na dapat tunay na magpalawak ng access at magpataas ng kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan ang panukalang budget sa 2027 ng Commission on Higher Education (CHED) at State Universities and Colleges (SUCs).
Sa kanyang opening statement sa budget briefing nitong Biyernes, Setyembre 25, sinabi ni Villanueva na simple lang ang pangako ng gobyerno: “may pagkakataong makapag-aral sa kolehiyo at makapaghanda para sa magandang trabaho, anuman ang estado niya sa buhay.”
Ayon sa senador, ang panukalang budget ng CHED para sa 2027 ay ₱35.453 bilyon, mas mababa ng ₱12.916 bilyon o 26.7% kumpara sa 2026.
Samantala, ang panukalang obligation budget naman para sa mga SUC ay ₱141.090 bilyon, bumaba ng ₱2.979 bilyon o 2.1%.
Pinakamalaki ang ibinaba sa pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act o UAQTEA. Mula sa ₱37.547 bilyon ngayong taon, naging ₱27.790 bilyon na lang ito sa 2027 o bawas na ₱9.757 bilyon.
Binigyang-diin ni Villanueva ang paghahanda para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 12325 na nagpapalakas sa UAQTEA.
Layunin ng reporma na ituon ang tertiary education assistance sa mga mas nangangailangan. Base sa datos, 12.6% lang ng mga TES grantees noong 1st semester ng AY 2025-2026 ang galing sa mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps.
Sa kabila ng kabuuang pagbaba, may mga programang nadagdagan ang pondo.
Tumaas ng halos 48% ang Student Financial Assistance Programs mula ₱2.154 bilyon tungo sa ₱3.185 bilyon. Nadagdagan din ang benepisyaryo mula 42,128 tungo sa 49,243.
Tumaas din ang Medical Scholarship and Return Service Program sa ₱1.232 bilyon.
“We must ensure that these increases actually reach their intended beneficiaries,” ani Villanueva.
Tinalakay din ang budget ng UP-Philippine General Hospital. Ang Hospital Services Program nito ay iminungkahi sa ₱7.291 bilyon, mas mababa ng ₱805.457 milyon o 9.9%.
Nanatili naman ang ₱800 milyon para sa Zero Balance Billing at ₱576.522 milyon para sa gamot sa ilalim ng Medical Assistance for Indigent Patients.
“We need to know if these amounts are sufficient to protect poor patients who depend on PGH,” dagdag ng senador.
Bukod dito, binanggit ni Villanueva na 18,436 permanenteng posisyon sa mga SUC ang bakante pa rin, habang may 1,097 job order at contract-of-service personnel sa CHED.
“Hindi puwedeng lumawak ang serbisyong pang-edukasyon habang naiiwanan ang mga manggagawang naghahatid nito,” sabi niya.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, sinabi ni Villanueva na ang magiging sukatan ay simple: “Kung libre ang kolehiyo sa estudyante, dapat hindi kapos ang paaralan. Kung may scholarship at subsidy, dapat makarating ito sa higit na nangangailangan.”
Dumalo sa briefing sina CHED Chairperson Dr. Shirley Agrupis, PASUC President Tirso Ronquillo, UP President Atty. Angelo Jimenez, UP-PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, mga presidente at opisyal ng SUCs, at mga opisyal ng UniFAST.
Layunin ng pagdinig na suriin kung matutugunan ng panukalang 2027 budget ang pangangailangan ng mga estudyante, institusyon, at mga kawani sa sektor ng higher education. Ernie Reyes