MANILA, Philippines – Kinondena ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers ang taktikang ginagamit ng China para makapag-establisa ng kanilang pwersa sa West Philippine Sea (WPS) sa pamamagitan ng paggamit ng mga pekeng fishing boats na ang totoo ay mga military vessels.
Ayon kay Barbers, lahat na lamang ay pinepeke ng China kaya naman hindi maisasantabi ang posibilidad na maaaring may mga itinalaga din itong military personnel sa Pilipinas na ang panlabas ay Philippine offshore gaming operator (POGO) workers.
“Nuong una at sa kasalukuyang panahon, kilala natin ang China na notorious sa paggawa ng mga pekeng produkto na itinitinda nila sa ating mga merkado. Ngayon, meron na rin silang fake na fishing boats – naka-disguise na fishing boats – na tinatauhan ng Chinese Coast Guard or Navy personnel at naka-deploy na sa WPS,” paliwanag ni Barbers.
Ang pagkakaroon ng pekeng fishing boats ng China sa WPS ay una nang isiniwalat ni Defense chief Gibo Teodoro matapos bumisita sa Palawan kamakailan.
Si Teodoro kasama si United States (US) Defense Secretary Lloyd Austin III ay bumiyahe sa Palawan para talakayin ang defense cooperative activities at regional security concerns.
Sinabi ni Barbers na wala nang bago sa
deception tactics ng China kasama na dito ang kanilang pina-usong 9-dash line at 11-dash line territorial line na malinaw sa Hague-based United Convention on the Law of Seas (UNCLOS) ba walang basehan sa batas. Gail Mendoza