Home NATIONWIDE China sinita DFA sa pagbatikos sa Chinese envoy

China sinita DFA sa pagbatikos sa Chinese envoy

2
0

MANILA, Philippines — Hinimok ng Chinese Embassy sa Manila ang Department of Foreign Affairs (DFA) na maging “more responsible” matapos punahin ng ahensya ang pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan hinggil sa posibleng paggamit ng puwersa.

Inakusahan ng embahada ang DFA ng “selective quotation and overinterpretation” sa pahayag ni Jing at sinabing nakalulungkot ang naging tugon ng kagawaran.

Iginiit ng Chinese Embassy na dapat magsilbi ang diplomasya upang mabawasan ang hindi pagkakaunawaan at maiwasan ang maling kalkulasyon at posibleng tunggalian.

Sinabi rin nitong nasa “extremely sensitive stage” ang relasyon ng Pilipinas at China at nanawagan sa DFA na tumulong upang hindi umano mauwi sa “dangerous and uncertain situation” ang ugnayan ng dalawang bansa.

Nauna nang binatikos ng DFA ang sinabi ni Jing sa isang panayam na: “If we want to use force, we may easily win. But no, we will not use force.”

Ayon sa DFA, tila naghahatid ang naturang pananalita ng “thinly veiled threat of the use of force” at hindi nakatutulong sa maselang relasyon ng Manila at Beijing. Hinimok din nito ang mga dayuhang diplomat sa bansa na maging maingat sa kanilang mga pampublikong pahayag.

Samantala, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Biyernes na para sa kanya ay mistulang banta ang naging pahayag ng Chinese envoy at nararapat itong linawin nang direkta kay Jing.

“I think that deserves a discussion between Ambassador and myself,” ani Marcos nang tanungin kung ipatatawag niya ang ambassador.

Patuloy ang diplomatic exchange sa pagitan ng Manila at Beijing sa gitna ng matagal nang tensiyon at hindi pagkakaunawaan sa West Philippine Sea. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here