Home HOME BANNER STORY Chinese aircraft carrier namataan malapit sa M’danao

Chinese aircraft carrier namataan malapit sa M’danao

2
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang dapat ikabahala sa pagdaan ng Chinese aircraft carrier group malapit sa Mindanao, kahit mas malapit ito sa Philippine shoreline kumpara sa mga nakaraang transit.

Namataan ng Western Mindanao Command (WestMinCom) noong Oktubre 22 ang People’s Liberation Army Navy Liaoning Carrier Group habang naglalayag mula sa karagatang sakop ng Zamboanga del Norte patungong Celebes Sea.

Ayon kay AFP spokesperson for the West Philippine Sea retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, bahagi umano ito ng mas malawak na regional geopolitical activity at pagpapakita ng military capability ng China.

Sinabi ni Trinidad na karaniwang nagsasagawa ang China ng dalawang aircraft carrier exercises kada taon, kadalasan mula Mayo hanggang Hunyo at Oktubre hanggang Nobyembre.

Aniya, kakaiba lamang ngayon ang ruta ng carrier group dahil dumaan ito sa western seaboard ng Pilipinas at lumapit sa Basilan Strait, sa halip na manatiling mas malayo sa baybayin.

“Nagpaparamdam sila, nagpapakita,” ani Trinidad, ngunit iginiit niyang hindi ito dapat maging dahilan ng alarma kung titingnan sa mas malawak na regional context.

Sinundan at minonitor ng Philippine Navy ang carrier group habang nasa lugar.

Kabilang sa mga barkong nagsagawa ng shadowing operation ang BRP Diego Silang at BRP Emilio Jacinto, habang tumulong din ang BRP Sarangani ng Philippine Coast Guard.

Nagdeploy naman ang Philippine Air Force ng Black Hawk helicopter at NC-212i aircraft para sa aerial surveillance at reconnaissance.

Ayon sa AFP, ilang beses ding nagsagawa ng radio challenge ang mga puwersa ng Pilipinas sa Chinese vessels ngunit walang natanggap na tugon.

Gayunman, sinabi ni Trinidad na hindi umano ito kakaiba dahil marami ring barkong minomonitor sa maritime domain ng bansa ang hindi tumutugon sa radio challenges.

Pinayuhan naman ng WestMinCom ang publiko na manatiling kalmado at kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal at beripikadong sources. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here