Home METRO Chinese arrivals pumalo sa 500K

Chinese arrivals pumalo sa 500K

MANILA, Philippines – SA kabila ng pagbabawal sa Philippine offshore gaming operators (Pogos) at iba pang mga isyu na nakakaapekto sa mga Chinese national, lumobo pa din ng humigit-kumulang na 20% ang mga biyahero mula China papuntang Pilipinas noong 2024.

Ayon sa datos ng Bureau of Immigration (BI), sinabi ni Immigration Commissioner Joel Anthony Viado noong Linggo na umabot sa 500,082 ang arrivals ng mga Chinese noong 2024, mula sa 417,128 noong 2023.

Ang Department of Tourism (DOT) noong nakaraang buwan ay nag-ulat ng medyo mas maliit na bilang na 313,856 Chinese arrivals, ngunit ito ay tumaas pa rin mula sa 264,922 noong 2023.

Ayon sa BI, nanguna ang South Korea sa pagdating ng mga dayuhang bisita noong nakaraang taon na may 1.76 milyon, na sinundan ng Estados Unidos na may 1.3 milyon.

Nagtala ang bureau ng kabuuang 14.7 milyong international arrival noong 2024, na malapit sa prepandemic figure na 17 milyon noong 2019.

Sinabi ng tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval na habang dumami ang mga dumating mula sa China, ang bilang ay nananatiling malayo pa sa prepandemic record na 1.9 milyon.

Matatandaan na pinaigting ng BI kamakailan ang mga pagsisikap na i-deport ang mga dayuhang sangkot sa mga operasyon ng Pogo bilang bahagi ng mas malawak na pagsugpo sa mga ilegal na aktibidad na nauugnay sa industriya ng pagsusugal, kabilang ang kidnapping at iba pang krimen kung saan kasunod na din ito ng nationwide ban sa Pogos na nagkabisa noong Enero 1.

Matatandaan na noong nakaraang linggo, 98 Chinese nationals na nahuling nagtatrabaho sa isang Pogo company ang na-deport sa pamamagitan ng Philippine Airlines chartered flight papuntang Xi’an, China.

Sinabi ng mga awtoridad na mayroon pa ring tinatayang 11,000 foreign nationals na nauugnay sa Pogos na hindi pa nahuhuli at nadedeport. JAY Reyes