MANILA, Philippines – Inakusahan ang Chinese Embassy sa Manila na pangongontrata sa isang Philippine-based marketing firm, ang InfinitUs Marketing Solutions, noong 2023 upang mag-organisa ng troll farm at mag-hire ng mga “keyboard warriors.”
Ipinakita ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang mga ebidensya sa isang Senate investigation, kabilang ang kontrata at tseke mula sa Bank of China na nagkakahalaga ng P930,000.
“Meron silang agreement. Ang trabaho ng InfinitUs is to provide keyboard warriors… Malamang itong keyboard warriors ay mga kababayan natin,” anang senador.
“Hindi po ito normal public relations, hindi po ito normal PR campaign. Ang ginagawa po is to openly provide information and convey the policies of the Chinese government,” dagdag pa ni Tolentino.
“The money that the Chinese Embassy paid was for something hidden and sinister. It was to finance a troll farm. Troll farm po ‘yun. A covert disinformation and influence operation against the Philippine government and the Filipino people,” giit pa niya.
Ayon sa mga ulat, lumikha ang firm ng pekeng social media accounts na nagpapanggap na mga Pilipino, kabilang ang mga estudyante, negosyante, at miyembro ng militar, upang magpakalat ng maling impormasyon at impluwensyahan ang opinyon ng publiko.
Kinondena ni Tolentino ang operasyon, na tinawag niyang isang lihim na pag-atake laban sa gobyerno at mga mamamayan ng Pilipinas. RNT