Home HOME BANNER STORY Chinese Embassy sa Pinoy lawmakers: Nasa listahan na kayo

Chinese Embassy sa Pinoy lawmakers: Nasa listahan na kayo

1
0

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Chinese Embassy sa Manila sa ilang mambabatas na kumukuwestiyon sa mga pahayag ni Chinese Ambassador Jing Quan, kasabay ng panibagong panawagan na ideklara itong persona non grata.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ng embahada: “Put on record. You are now on the list.” Hindi naman nito ipinaliwanag kung anong “listahan” ang tinutukoy.

Ang pahayag ay tila tugon sa siyam na miyembro ng Kamara na bumatikos sa naging pananalita ng embahada at nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ikonsidera ang pagpapatalsik kay Jing.

Kabilang sa mga mambabatas sina Reps. Zia Alonto Adiong, Arlene “Kaka” Bag-ao, Percival “Perci” Cendaña, Leila de Lima, Chel Diokno, Dadah Kiram Ismula, Cielo Krisel Lagman, Karl Legazpi at Mark Anthony Santos.

Sa hiwalay na pahayag na tila patama naman sa resolusyon ni Sen. Risa Hontiveros, sinabi ng Chinese Embassy: “Since you don’t welcome us, we don’t welcome you, either. Fair enough.”

Naghain si Hontiveros ng Senate Resolution No. 746 na humihiling kay Marcos na ideklarang persona non grata si Jing o hilingin sa Chinese government na bawiin ang embahador. Nauna ring naghain ng kaparehong resolusyon si Sen. Erwin Tulfo.

Nag-ugat ang tensiyon sa naging pahayag ni Jing na maaaring “easily win” ang China kung gagamit ito ng puwersa laban sa Pilipinas, bagama’t sinabi rin niyang hindi ito gagawin dahil nais umano ng Beijing ang kapayapaan.

Dahil dito, pormal na ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Jing noong Lunes upang ihayag ang “serious concern and strong objection” ng pamahalaan sa kanyang mga pahayag.

Samantala, iginiit ng mga mambabatas na binanggit sa pahayag ng embahada na hindi sila matitinag sa kanilang paninindigan sa West Philippine Sea. Tinawag naman ni De Lima na “brazen threat” ang pahayag na “you are now on the list,” habang sinabi ni Adiong na handa siyang mapabilang dito kung ang ibig sabihin nito ay pagtutol sa mga aksiyon ng China. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here