Home METRO Chinese, Korean nationals arestado ng BI

Chinese, Korean nationals arestado ng BI

MANILA, Philippines- Inaresto at ikinulong ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang babaeng Chinese national dahil sa ilegal na pagpasok nito sa bansa sa pamamagitan ng pag-iwas sa inspeksyon ng mga immigration officer sa paliparan.

Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang umano’y illegal entrant na si Zhang Zimo, 23-anyos, na nahuli sa NAIA terminal 3 noong Hunyo 15 nang siya ay sasakay ng China Southern Airlines flight papuntang Guangzhou, China.

Sinabi ni Tansingco na hindi binigyan ng departure clearance si Zhang matapos mapansin ng immigration officer na nagsuri sa kanyang passport na wala itong BI arrival stamp. Sa pagsusuri sa travel control system ng BI ay wala rin naipakitang rekord ng pagdating ni Zhang.

Agad inaresto ang babaeng dayuhan at dinala sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang mga paglilitis sa kanyang deportasyon.

“It is a blatant offense for any foreigner to enter the country without inspection and admission by immigration authorities or obtains entry into the Philippines by willful, false or misleading representation,” giit ni Tansingco.

Dagdag pa ni Tansingco,  iniimbestigahan pa ng bureau kung kailan, saan at paano nakapasok si Zhang sa bansa nang walang entry visa at hindi sumasailalim sa immigration inspection.

Samantala, iniulat din ng BI ang isa pang pagtatangka na maiwasan ang mga pamamaraan sa imigrasyon ng isang naka-blacklist na Koreanong lalaki.

Inaresto kamakailan ng mga frontline inspector ng BI sa Clark International Airport (CIA) sa Pampanga ang isang South Korean national na-blacklist at inutusang i-deport ng bureau dahil sa pagiging undesirable alien nito.

Sinabi ni Tansingco na ang 64-anyos na si Kim Yongchil ay naharang noong Hunyo 7 nang siya ay sasakay ng Asiana Airlines flight papuntang Incheon, South Korea.

Ang nasabing Koreano ay nasa kustodiya ngayon ng detention facility ng BI sa Taguig City kung saan siya mananatili hanggang sa makuha ng BI ang mga clearance para sa kanyang deportasyon at ayusin ang kanyang paglipad pabalik sa Korea.

“He will, however, remain in our immigration blacklist as he is perpetually barred from re-entering the country. Aliens who abused and maltreat Filipinos do not deserve the privilege to stay in our country,” ani Tansingco. JAY Reyes