PALAWAN- Arestado ang isang Chinese national at kasama nitong Filipino dahil sa illegal farming ng lobster at paggamit ng mga nanganganib ng maubos na kahoy, noong Martes sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa inilabas ng pahayag ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) noong Biyernes, katatapos lamang ang ginawa nilang selebrasyon ng World Wildlife Day, noong Marso 4, 2025 nakatanggap sila ng report hinggil sa illegal farming ng mga suspek sa Barangay Sta. Cruz, ng nasabing lungsod.
Agad na inilatag ang operasyon laban sa mga suspek katuwang Philippine Coast Guard (PCG), bumulaga sa kanilang harapan ang nasa 1,500 piraso ng tiger lobster o banagan (Panulirus ornatus).
Bumungad din sa harapan ng mga awtoridad ang itinayong istruktura ng farm gamit ang 20,000 board feet na Apitong na isa sa mga nanganganib ng nauubos na punong kahoy (Dipterocarpus grandiflorus).
Sinabi naman ng Department of Environment and Natural Resources – Community Environment and Natural Resources Office (DENR-CENRO) Puerto Princesa na aabot sa halagang P29 milyon ang mga kahoy na ginamit.
Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa illegal possession ng wildlife sa ilalim ng RA 9147 at illegal logging sa ilalim ng PD 705. Mary Anne Sapico