Home NATIONWIDE Chinese national, Pinoy arestado sa P150M pekeng produkto sa warehouse sa Cavite

Chinese national, Pinoy arestado sa P150M pekeng produkto sa warehouse sa Cavite

229
0

MANILA, Philippines – Bumagsak sa kamay ng mga awtoridad ang dalawang suspek kabilang ang Isang Chinese national makaraang salakayin ng Cavite Criminal Investigation and Detection Group ang isang warehouse na naglalaman ng mga pekeng produkto at hindi rehistrado.

Nagkakahalaga ito ng P150 milyon na nakaimbak sa DC Indusrtrial Complex sa Brgy San Rafael IV, Noveleta Cavite.

Sa report, bandang alas-7 ng gabi ay nagsagawa ng operasyon ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite Provincial Field Unit, kasama ang Department of Trade and Industry (DTI), PNP Maritime Group, at Noveleta Police.

Arestado ang mga suspek na kinilalang si alias “Li,” isang Chinese national, at si “Bran,” isang Pilipino.

Ayon sa ulat, nahuli ang dalawa habang hawak at kontrol ang bulto-bultong produkto tulad ng sapatos, cosmetics, electronic gadgets, at iba pang kagamitan na umano’y hindi pasado sa pamantayan ng batas.

Lumabas sa imbestigasyon na bagama’t rehistrado ang kanilang negosyo sa DTI, hindi naman rehistrado ang mismong mga produktong kanilang ibinebenta at iniimbak na isang malinaw na paglabag sa Consumer Act of the Philippines at Internet Transactions Act.

Ayon kay CIDG Director PMGEN Robert Morico II, mahalaga ang operasyon upang maprotektahan ang publiko laban sa mapanganib at depektibong produkto.

“Hindi natin hahayaang maloko ang mga mamimili at malagay sa peligro ang kanilang kalusugan at kaligtasan,” ani Morico.

Dagdag pa niya, ang matagumpay na operasyon ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police sa ilalim ng pamumuno ni PNP Chief PGEN Jose Melencio Nartatez Jr. laban sa mga iligal na gawain sa bansa.

Pinuri rin ng CIDG ang mga operatiba sa Cavite sa pagkakasabat ng mga produkto na posibleng kumalat sa merkado kung hindi agad naaksyunan.

Nanawagan naman ang CIDG sa publiko na agad i-report ang anumang kahina-hinalang imbakan o bentahan ng produkto sa kanilang lugar.

Nasa kostudiya ngayon, ng mga naarestong suspek na nahaharap sa kasong isasampa laban sa kanila habang patuloy ang imbestigasyon sa pinagmulan ng mga nasabat na produkto. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here