Home NATIONWIDE Chinese research ship namataan sa Tawi-Tawi, walang senyales na nagsasagawa ng pananaliksik...

Chinese research ship namataan sa Tawi-Tawi, walang senyales na nagsasagawa ng pananaliksik – PCG

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na isang Chinese research ship ang nasa Tawi-tawi na ngayon at hindi nagpapakita ng senyales na nagsasagawa ito ng marine scientific research.

Ayon kay PCG spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, ipinaalam ng BRP Malapascua sa Song Hang na hindi ito awtorisadong magsagawa ng marine scientific research (MSR) sa lugar.

Sinabi umano ng Song Hang na patungo ito ng Indian Ocean upang manghuli ng isda.

Nabanggit ni Tarriela na ang Song Hang ay inilaan para sa pagsasagawa ng MSR na nasa ilalim ng ministeryo ng pangisdaan ng People’s Republic of China.

Gayunman, inihayag niya na ang PCG ay hindi sinusubaybayan ang anumang mga galaw ng Song Hang na nagpapahiwatig na ito ay nagsasagawa ng MSR.

Noong Miyerkules, sinabi ng PCG na ang Song Hang na may 25 Chinese crew memebers ay namataan 58 nautical miles sa silangan ng Aborlan, Palawan.

Nitong Huwebes ng tanghali, April 3, sinabi ni Tarriela na ang Song Hang ay nakita 35.5 nautical miles mula Mapun Island sa Tawi-Tawi. Jocelyn Tabangcura-Domenden