CEBU, Philippines – Itinampok ng University of the Philippines Cebu, ang isang natatanging Christmas tree na sumisimbolo ng pag-bangon mula sa hagupit ng mga nagdaang bagyo.
Hindi tulad ng karaniwang puno, ang Christmas tree ay gawa sa mga sanga at debris na naputol at naiwang nakalat sa campus dahil sa malakas na hangin na dala ng mga bagyo.
Ayon kay Jay Nathan Jore, coordinator ng UP Cebu’s Office for Initiatives in Culture and the Arts, ang puno ay simbolo ng pagbangon, pag-asa, at kababaang-loob.
“Ang tema namin ay ‘pagbangon.’ Ang pagdurusa at epekto ng bagyo ay puwede nating gawing pagkakataon para mas maging handa at mas mabuti tayo sa susunod,” ani Jore.
Inilunsad ang puno noong Disyembre 3 sa isang simpleng lighting ceremony at fundraising concert kasama ang UP Symphony Orchestra.
Orihinal, plano nilang gumawa ng mas magarbo at komplikadong Christmas tree bago dumating ang typhoon Tino noong Nobyembre 4, 2025. Ngunit nakita ni Jore na hindi makatarungan na gumastos nang malaki habang maraming tao ang naapektuhan ng bagyo. Kaya’t ginamit nila ang mga natangay na sanga sa campus at mga parol mula sa lokal na artisan sa Barangay Lahug.
Dahil sa pagbabago ng disenyo, nakatipid ang paaralan at nailaan ang pondo sa tulong para sa mga biktima ng bagyo.
Dahil din sa mga sakuna, nilimitahan ng campus ang iba pang holiday activities. Ang taunang lantern parade ay magpapatuloy, ngunit pinayuhan ang mga kalahok na gumamit ng simpleng disenyo.
Hindi rin isasagawa ang Mr. and Ms. Pasko sa UP para makatipid ng oras at resources. Sa halip, magkakaroon ng salo-salo kung saan magsasama-sama ang faculty, staff, at estudyante sa Oblation grounds.
“Ito ay paalala na kailangan nating magkaisa at ipagdiwang ang Pasko bilang isang komunidad,” dagdag ni Jore. RNT/MND