Home NATIONWIDE CICC sa publiko, cyber fraud isuplong sa eGov Super App

CICC sa publiko, cyber fraud isuplong sa eGov Super App

MANILA, Philippines – Hiniling ng Cybercrime Investigation Coordinating Center (CICC), kasama ang Scam Watch Pilipinas, ang national citizen arm ng gobyerno ng Pilipinas para turuan ang mga Filipino tungkol sa cyber fraud, na i-report ang mga scam numbers sa pamamagitan ng eGov Super App.

Sa isang pahayag, inanunsyo ni CICC Executive Director Undersecretary Alexander Ramos na ipinakilala ng gobyerno ang bagong reporting channel.

Bilang karagdagan sa Inter-Agency Response Center (I-ARC) Hotline 1326, mayroon na ngayong bagong feature na eReport sa eGov App.

Sinabi ni Ramos na maaring tumawag sa 1326 ang mga biktima ng cyber fraud na nakatanggap lang ng text scam ay maaring i-report ang numero sa eGov App eReport feature.

“The CICC investigates the data received from the eGov App and we send it to the National Telecommunications Commission (NTC) which shall immediately block the numbers,” dagdag pa niya.

Noong Hunyo 2023, ang eGov Super App, na kilala rin bilang eGov App, ay inilunsad sa ilalim ng tema na “Connecting Communities, Enriching Lives, Forging a Digital Future for the Philippines.”

Layon nitong pasimplehin ang transakayon sa pagitan ng gobyerno at mamamayan.

Pormal na inihayag ni DICT Undersecretary for eGovernment David Almirol ang feature na “eReport” sa eGov App sa Department of Information and Communications Technology (DICT) Bayang Digital Ang Bagong Pilipinas Regional Roadshow sa Baguio City.

Samantala, binigyang-diin ng Scam Watch Pilipinas Co-Founder at Co-Lead Convenor Jocel de Guzman na ang nasabing app ay nagbibigay ng kapangyarihan sa publiko na direktang kumilos sa mga text scam mismo gamit ang kanilang mobile device.

Ayon sa mga partidong kasangkot sa kapaki-pakinabang na hakbangin na ito, maaaring mag-ulat ang publiko ng mga scam numbers sa pamamagitan ng pagsunod sa pitong madaling hakbang sa pamamagitan ng feature na “eReport” ng eGov App.

Una, i-download ang eGov App mula sa Google Play para sa mga Android user o ang Apple App Store para sa iOS user, at magparehistro.

Pagkatapos ng mga unang hakbang, buksan ang eGov App at pumunta sa ” More” section. Pagkatapos, i-tap ang “Report.”

Sunod ,piliin ang “Text Scam” at i-upload hanggang sa limang screenshots ng scam message

Maaari ding magsulat ang publiko ng paglalarawan ng scam sa ibinigay na text box.

Matapos makumpleto ang lahat ng mga hakbang, maaari nilang i-tap ang button na “Submit” upang isapinal ang report ticket.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)