Home NATIONWIDE Sen. Padilla magkakasa ng sariling Senate building probe

Sen. Padilla magkakasa ng sariling Senate building probe

MANILA, Philippines – Naghain ng sariling resolusyon ang isang senador sa gitna ng isinasagawang imbestigasyon ng Senate committee on accounts sa pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano sa paglobo sa P23 bilyon ang gastusin sa new Senate building.

Nitong Biyernes, naghain si Senador Robin Padilla upang paimbestigahan ang paglobo ng gastusin sa NSB “upang hindi mawala ang tiwala ng publiko.”

Sa halip na ipa-refer sa ibang komite na angkop sa pag-iimbestiga ng gastusin, minabuti ni Padilla na atasan sa resolusyon ang sariling komite, ang Senate committee on public information and mass media na kanyang pinamumunuan na hawakan ito “ in aid of legislation.”

“Informing the public of the processes undertaken in the construction of the NSB including the increased costs, is necessary to ensure that the public does not lose its trust in the Senate as an institution,” ani Padilla.

“There is a need to let the public know of the partner contractors if any, and subcontractors of Hilmarc’s Construction Corp.,” dagdag niya.

Ani Padilla, inutusan ni Senate President Francis Escudero si Cayetano bilang tagapangulo ng Committee on Accounts na i-review ang gastos sa New Senate Building (NSB), na lumobo sa P23 bilyon mula P8.9 bilyon.

Ipinunto ng senador na sa pagdinig ng Committee on Accounts noong Hulyo 3, ang gastos sa proyekto ay umabot na sa P23.38 bilyon, kasama ang P8.9 bilyon para sa core and shell; P2.5 bilyon sa fit-out; P1.6 bilyon sa land acquisition; at P10.33 bilyon sa “works to complete.”

Dagdag ni Padilla, ayon sa Sec. 1, Art. XI ng 1987 Constitution, ang “public office is a public trust,” at ang mga opisyal at empleyado ng pamahalaan ay dapat maging “accountable to the people.”

“Being part of one of the main branches of the government, it is incumbent upon the Senate to set the example of transparency and accountability not only to the entire bureaucracy but more importantly, to the Filipino people,” dagdag niya.

Nitong MIyerkoles, sinimulan ni Cayetano ang “factual at independent review” sa gastusin ng Senado sa bagong gusali kaya natuklasan kung paano lumobo ang badyet base sa briefer na ibinigay ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa naturang pagdinig, ipinaliwanag ni DPWH Project Director Soledad Florencio na ang Extension of Time (EoT) o delay sanhi ng ilang variation order at patuloy na pagbabago sa proyekto kaya hindi matukoy ng ahensya kung kailan ito matatapos.

Nagresulta ito sa mahigit P78 milyong halaga ng singil sa EoT, sa loob ng tinatayang P800 milyong halaga para sa buong variation order ng proyekto.

Kwinestyon din ni Cayetano ang karagdagang design fees na nagkakahalaga ng P173 milyon na bukod pa sa P258 milyon na orihinal na design fee ng proyekto.

Binigyang-diin ng senador na maaaring maiwasan ang mga delay at karagdagang gastos kung nakipag-ugnayan sana ang DPWH sa Senate Coordinating Team o SCT bago tapusin ang Detailed Architectural and Engineering Design o DAED ng proyekto.

“Hindi niyo kinausap ang Senado before DAED, that’s why nagkaroon EoT. Kinausap niyo senado after DAED that’s why nag ka-VO at kaya may EoT [cost] ka na napakalalaki,” pahayag ni Cayetano.

“On hindsight, avoidable ito . Pwedeng walang RDAED [revised DAED] kung nag usap,” dagdag niya. Ernie Reyes