Home METRO City Jail Warden of the Year kilalanin

City Jail Warden of the Year kilalanin

MANILA, Philippines- Pinangalanan si Supt. Xavier Solda ng Zamboanga City Jail Male Dormitory bilang City Jail Warden of the Year, base sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) nitong Linggo.

Sa isang news release, sinabi ng BJMP na igagawad ang award kay Solda sa 33rd BJMP anniversary sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong Lunes.

Pinuri ni BJMP Director Ruel Rivera ang liderato ni Solda sa pagpapatupad ng reporma sa pamamahala na nagpapakita ng commitment ng bureau sa komprehensibong rehabilitasyon sa jail facilities.

Itinatag ni Solda ang kauna-unahang physiotherapy services clinic ng BJMP para sa mga preso na na-stroke at ang Madrasah Al Ertiqa, ang Islamic school na nagsagawa ng unang graduation rites para sa 74 persons deprived of liberty (PDLs) noong Enero.

Pinangunahan din niya ang pagbuo sa kauna-unahang Digital Transparency Board ng BJMP na naglalaman ng case information at updates na maaaring ma-access ng mga PDL anumang oras.

Noong Oktubre 2023, iginawad ng International Corrections and Prisons Association (ICPA) ang Outstanding Correctional Service Employee award kay Solda sa kanyang galing, mula sa iba pang global nominees, sa larangan ng jail management at corrections. 

Kinilala ng ICPA ang “tireless dedication to improving the lives of people incarcerated in the Philippines,” ni Solda na iginawad sa Antwerp, Belgium. RNT/SA