PROTEKSYON sa kalikasan sa pamamagitan nang paggamit ng makabago subalit malinis na enerhiya ang patuloy na isinusulong ng kasalukuyang administrasyon na sadyang napapanahon na sa gitna ng mala-delubyong kalamidad na tumatama sa bansa kada taong ayon sa mga eksperto ay sanhi ng malawakang pag-iinit ng sandaigdigan.
Kaya naman sa tuwing bumibisita si Panguling Bongbong Marcos sa mayayamang bansa,kinukumbinsi nito ang malalaking negosyante roon na magtayo ng mga solar at wind farm,hydro-electric power plant at iba pang uri ng renewable energy upang maibsan ang paggamit ng fossil fuel sa mga de krudong electric cooperative na ilang dekadang pangunahing power producer sa bansa.
Hindi lang ‘yan, kabilang din ang ‘Pinas sa sampung bansa na may pinakamalakas na konsumo ng coal na ginagamit naman ng mga coal fired power plant na itinuturing ng mga siyentipiko na pinakamaruming paraan na paggamit ng elektrisidad.
Batid ng mga environmental expert na malaki ang ambag ng mga plantang ito bilang pollutants ng sanlibutan kaya naman matagal nang ipinasara ng mga dambuhalang bansa ang mga coal plant sa kanilang lugar at kumambyo na sa malalawak na solar farm.
Dahil dito, patuloy pa na isinusulong ng Pangulo ang pagpapatupad ng iba’t-ibang uri ng renewable energy sources sa kabila ng malalapad na solar farm sa bansa para wakasan na ang mga power supplier na ilang dekada na rin na umaasa sa krudo’t gasolina sa pagpapaandar ng mga dambuhalang makina.
Maging ang paggamit ng solar powered pumps sa pagpapagawa ng maliliit na water system sa mga barangay para magkaroon ng malinis na suplay ng tubig ay ipinatutupad na rin ng gobyerno.
Sa renewable energy, kaisa tayo sa pagpoprotekta sa sanlibutang kadalasan ay binibisita na ng malalakas na kalamidad na kumikitil ng libo-libong katao at sumisira ng milyon-milyong ari-arian.






