Home OPINION HAMON KAY DEPED SEC. SONNY ANGARA

HAMON KAY DEPED SEC. SONNY ANGARA

MAGKAKASUNOD ang pagmamalaki ng mga eskwela ukol sa kanilang mga valedictorian, salutatorian at iba pang may honor sa elementarya at high school nitong nakaraang mga linggo na pagtatapos ng school year 2023-2024.

Marami ring kolehiyo at unibersidad ang nagmamalaki ukol sa kanilang mga summa cum laude, magna cum laude at cum laude sa kanilang college, master, doctor at juris doctor graduates.

Kabilang sa mga pinaglalabasan ang mga social media at maging sa mga diaryo, radio at telebisyon.

Nabubuhusan nga lang ng mas malamig pa sa yelo ang ating katuwaan kung naaalala natin ang mga panukat na pandaigdigan sa antas ng edukasyon sa bawat bansa.

Nangungulelat ang mga Pinoy sa pangkalahatan sa lahat ng antas mula elementarya hanggang kolehiyo at unibersidad  bagama’t may mga paisa-isang kampeon sa mga pandaigdigang pakontes.

Sinusulat natin ito, mga brad, kaugnay ng pagkakatalaga ni Senador Sonny Angara na pamalit kay Vice President Sara Duterte bilang Secretary of Education.

Tanong lang: Makakayanan ba ni Senador Angara na bigyan ng pundasyon ang mga bata patungo sa mga kolehiyo at unibersidad para sa pag-unlad ng bansa?

Hindi para magkaroon ng mga karangalan gaya ng valedictorian, salutatorian, summa cum laude, magna cum laude at cum laude ang mga mag-aaral kundi maging produktibo at kapaki-pakinabang talaga para sa ikauunlad ng mahal nating bayan.

Buong katotohanan na napag-iiwanan ang edukasyon ng mga Pinoy kumpara sa ibang mga bansa ng libo-libo o daan-daang taon.

Halimbawa, saang lugar makikita ang mga estudyante at graduate na Pinoy, maging ang mga valedictorian, salutatorian, summa cum laude, magna cum laude at cum laude sa mga nakadiskubre at gumawa ng bakal noong 8,000 BC; unang kompyuter noong 100 BC; nagpatakbo ng barko gamit ang steam engine noong 1782; nagpalipad ng eroplano noong 1903; at gumawa ng mga satellite para sa pag-uusap na parang nasa loob lang ng bahay ang mga tao ngayon?

Hamon ang mga ito kay Senador at ngayo’y DepEd Secretary Edgar ‘Sonny’ Angara.