Home OPINION CIVIL SOCIETY GROUP BINIGYAN NG ‘OBSERVER STATUS’ SA 2026 NATIONAL BUDGET DELIBERATION

CIVIL SOCIETY GROUP BINIGYAN NG ‘OBSERVER STATUS’ SA 2026 NATIONAL BUDGET DELIBERATION

292
0

NANAWAGAN ang People’s Budget Coalition, kasama ang iba pang civil society organizations (CSOs), sa House of Representatives (HOR) na maglatag ng malinaw na panuntunan hinggil sa lawak ng kanilang partisipasyon sa pagtalakay ng 2026 national budget. Bagama’t binigyan ng “observer status” alinsunod sa House Resolution No. 94, iginiit ng koalisyon na tila limitado lamang sila sa papel na tagapanood, at hindi tunay na katuwang sa proseso ng delibe­rasyon.

Ayon sa Social Watch Philippines, isa sa mga kasapi ng Peop­le’s Budget Coalition, wala pang malinaw na aksyon ang HOR sa ipinangako nitong “open bica­me­ral conference” at maaaring mauwi lamang sa press release ang pangakong transparency.

Kabilang sa mga mungkahi ng People’s Budget Coalition ang pagbubuo at pagsasagawa ng budget transparency server upang masubaybayan ng publiko ang anomang pagbabago o “insertions” mula sa National Expenditure Program (NEP) hanggang sa General Appropriations Bill (GAB).

Bukod dito, nanawagan din sila ng open budget portal na magsisilbing sentro ng la­hat ng dokumento at iskedyul, kasama ang isang participation tracker para makita kung alin sa mga mungkahi ng CSOs ang tinanggap, binago, o tinanggihan ng Kongreso.

Hinikayat din ng koalisyon ang pagbubukas ng listahan ng mga benepisyaryo ng mga social aid program ng Department of Social Welfare and Deve­lop­ment (DSWD), kabilang ang kontrobersyal na “Ayuda para sa Kapos ang Kita” o AKAP, Medical Assistance for Indigents, at Assis­tance to Individuals in Crisis Situations o AICS.

Batay sa pagsusuri ng Peop­le’s Budget Coalition, bumaba na sa pinakamababang antas sa loob ng isang dekada ang “allocable portion” ng budget dahil ta­nging Php 38.00 sa bawat Php 100.00 sa panukalang Php 6.8 trillion 2026 NEP ang maaari la­mang ilaan para sa mga prog­ramang panlipunan.

Ipinunto ng isang budget analyst na lumalaki ang baha­gi ng pambansang pondo na na­pupunta sa pagbabayad ng utang, kaya’t lumiit ang pondong maaaring gamitin para sa mga pangunahing serbisyo katulad ng kalusugan, transportasyon, at edukasyon.

Nagbabala rin ang People’s Budget Coalition sa patuloy na paglobo ng mga “unprogrammed appropriations,” o mga proyektong wala pang tiyak na pondo at nakasandal lamang sa hinaharap na kita. Para sa kanila, ki­nakailangan ang malinaw na pa­takaran at mas bukas na proseso upang masiguro na ang bawat piso ng pambansang badyet ay mapupunta sa mga proyektong tunay na kailangan ng mamamayan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here