MANILA, Philippines – Iniulat ng City Health Services Office (CHSO) ng Baguio nitong Huwebes na ang chronic kidney disease (CKD) na ang pangunahing sanhi ng pagkamatay sa lungsod, matapos tumaas ang mga kaso sa unang limang buwan ng 2026.
Mula Enero hanggang Mayo 2026, naitala ang 17 pagkamatay dahil sa CKD, mas mataas kumpara sa 15 na naitala sa buong 2025, na katumbas ng 70 porsyentong pagtaas.
Karamihan sa mga nasawi ay nasa edad 60 hanggang 69, sinundan ng 70 hanggang 79, 40 hanggang 49, at 50 hanggang 59. Tumaas din ang bilang ng pagkamatay ng parehong lalaki at babae kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay City Health Officer Dr. Celia Flor Brillantes, mahalaga ang tamang hydration upang mapanatili ang kalusugan ng bato. “Especially with the hot temperature, we do not just encourage everyone to hydrate but to drink plain water, which is the best for better health,” aniya.
Dagdag niya, ang pag-inom ng anim hanggang walong baso ng tubig araw-araw ay nakatutulong sa maayos na paggana ng kidney, pag-filter ng dumi sa katawan, pag-iwas sa kidney stones at impeksyon, at pagpapanatili ng tamang blood pressure.
Samantala, inihain ni Councilor Leandro Yangot ang isang ordinansa na mag-uutos sa mga paaralan sa Baguio na magpatupad ng water-drinking signals upang hikayatin ang tamang hydration ng mga estudyante sa child development centers, kindergarten, elementary, at high school.
Kabilang sa panukala ang information campaigns tungkol sa kahalagahan ng pag-inom ng tubig at pagtiyak na may access ang mga mag-aaral sa inuming tubig sa mga paaralan. Mary Anne Sapico