NAKAPAGBULSA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng P56.3 bilyong halaga ng potensiyal na investments mula sa mga major Japanese firms sa isinagawang hiwalay na pakikipagpulong, araw ng Huwebes sa sidelines ng kanyang four-day state visit sa Japan.
Saklaw ng investments ang shipbuilding, advanced electronics manufacturing, semiconductor production, artificial intelligence o AI-driven technologies, at green maritime industries.
Inaasahan naman na ang proyekto ay makalilikha ng 10,300 karagdagang “direct at indirect jobs” sa Pilipinas.
Nauna rito, nakapulong ng Pangulo ang mga tagapangasiwa ng Tsuneishi Group Corp. para pag-usapan ang pagpapalawak ng shipbuilding facility ng kompanya sa Pilipinas.
Sa oras na makompleto na, inaasahan na makatutulong ang pagpapalawak na ipuwesto ang Pilipinas bilang “fourth-largest shipbuilding nation” sa buong mundo pagkatapos ng Tsina, Japan, at South Korea.
Nakapulong din ng Pangulo ang mga ehekutibo ng Furukawa Electric Co. Ltd., kung saan ipinresenta ang panukalang expansion project nito, kabilang ang paglikha ng advanced heat sink modules at thermal management products na susuporta sa global electronics at digital infrastructure applications.
Kabilang pa rin sa tinalakay ang mga plano na palawigin ang operasyon sa Laguna Technopark para itaas ang produksyon ng high-performance heat sinks na ginagamit sa cooling data center processing units, kabilang na ang CPUs at GPUs, sa gitna ng tumataas na global demand bunsod ng generative AI technologies.
Gayundin, nakapulong ni Pangulong Marcos ang mga ehekutibo ng Sumitomo Electric Industries, Ltd., kung saan sumentro ang usapan sa P4.3 bilyong expansion project ng advanced electronics manufacturing.
Kabilang pa rin sa investment ang konstruksyon ng bagong 4,706-square-meter facility sa Cabuyao, Laguna ng Philippine unit nito, First Sumiden Circuits, Inc. (FSCI), itinuturing na nag-iisang sole manufacturer ng flexible printed circuits ng bansa.
Inaasahan naman na ang pagpapalawak ay magpapalakas sa partisipasyon ng Pilipinas sa global supply chains para sa electric vehicles, AI-related electronics, at advanced telecommunications.
Samantala, ipinresenta naman ng mga tagapangasiwa ng MinebeaMitsumi, Inc. ang nagpapatuloy at nakaplanong investments ng kompanya sa Pilipinas, kasama na rito ang semiconductor back-end manufacturing, battery-related components para sa hyperscale data centers, Optical Image Stabilization technologies, at advanced precision manufacturing.
Inaasahan na ang proyekto ay susuporta sa pagpapalawak ng smartphone camera actuator production, data center battery protection modules, at analog semiconductor operations sa Cebu para tugunan ang lumalaking global demand na iniuugnay sa AI technology. (Kris Jose)