Home NATIONWIDE Claims awarding ng Marawi Compensation Board sinuspinde sa MSU bombing – Risa

Claims awarding ng Marawi Compensation Board sinuspinde sa MSU bombing – Risa

MANILA, Philippines- Pansamantalang sinuspinde ng Marawi Compensation Board sa linggong ito ang awarding of claims hinggil sa pagbabayad ng sinalanta ng Marawi Siege of 2016 matapos ang pambobomba sa Mindanao State University, ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

Sa kanyang manipestasyon ng suporta sa privilege speech Sen. Ronaldo Dela Rosa sa pambobomba sa Mindanao State University gymnasium, sinabi ni Hontiveros na pagkakaantala ang motibo na nasa likod ng pambomba.

“Alam niyo po mga kasama, isang balita mula sa Marawi City. Ngayong araw ay sinuspinde muna ng Marawi Compensation Board ang pag-award nila ng compensation ngayong linggo ng ika-apat hanggang ika-walo ng Disyembre,” ayon kay Hontiveros.

“At ‘yan ang kanyang long-term effect na gusto likhain ng mga gumawa at gumagawa ng ganitong terror action—isantabi ang pag-asa, bigyang daan ang pagkabigo, ang resentment, at lahat pa ng mga sama ng loob na ginagamit nila para sa kanilang madilim na layunin,” giit niya.

Base sa post ng MCB sa kanilang Facebook, itinakda ang “rescheduling” ng claims application filing mula December 4 hanggang 8 upang matiyak ang kaligtasan at kagalingan ng complainant sa gitna ng pambomba nitong Linggo.

Inihabilin ng MCB sa claimants na maghintay ng text message kung kailan ang bagong schedule ng paghahain ng claims applications.

Si Hontiveros ang isponsor ng panukalang badyet ng MCB sa 2024 sa Senado.

Naganap ang pambobomba dakong alas-7:30 ng umaga nitong Linggo habang nagdaraos ng misa sa gym na dinaluhan ng mga estudyante at guro. Apat na katao ang namatay at 45 ang malubhang sugatan.

Sa 45 sugatan, 10 pa ang nakaospital, lima rito ang nasa kritikal na kondisyon, ayon sa pulisya at nakilala na ang biktimang namatay.

Inamin ng Islamic State Group na lubhang nagkakalat ng impluwensya sa Katimugan, ang nagpasabog sa gym, ayon sa report na iniimbestigahan ngayon ng awtoridad. Ernie Reyes