Home METRO 2 tulak timbog sa P400K shabu sa Caloocan

2 tulak timbog sa P400K shabu sa Caloocan

MANILA, Philippines- Swak sa kulungan ang dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang isang menor-de-edad na lalaki matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu nang masakote sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City.

Kinilala ni Caloocan Police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si alyas “Niño”, 30, at ang na-rescue na isang menor-de-edad na lalaki.

Base kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni Niño kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang mag-positibo ang natanggap na impormasyon ay agad nagkasa ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Emmanuel Aldana ng buy-bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek matapos bentahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang undercover na pulis sa 2nd St., BMBA Compound, Brgy. 118, dakong alas-12:03 ng madaling araw.

Narekober sa mga suspek ang nasa 61 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P414,800, buy-bust money na isang P500 bill na may kasamang anim na pirasong P1,000 pesos boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. R.A Marquez