Home METRO Most wanted person sa Malabon tiklo!

Most wanted person sa Malabon tiklo!

MANILA, Philippines- Binitbit sa selda ang isang lalaki na nakatala bilang most wanted matapos maaresto sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalaawa ng hapon.

Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong akusado na si alyas “Renato”, 54 at residente ng Barangay Tañong.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na nakatanggap ng impormasyon ang Warrant and Subpoena Section (WSS) na naispatan ang presensiya ng akusado sa Brgy. Catmon.

Alinsunod sa pinaigting na kampanya ng PNP kontra wanted persons, kaagad nagsagawa ng joint manhunt operation ang mga tauhan ng WSS sa pangunguna ni PCMS Edwin Castillo at 4th MFC RMFB-NCRPO na nagresulta sa pagkakadalip sa akusado dakong alas-12:40 ng hapon sa Sanciangco Street, Barangay Catmon.

Ang akusado ay inaresto ng mga pulis sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Lady Ivy Vanity D. Velasco ng Metropolitan Trial Court Branch 56, Malabon City noong November 24, 2023, para sa kasong Grave Threats, Unjust Vexations at Qualified Trespass to Dwelling.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. Boysan Buenaventura