MANILA, Philippines – Plano ng Department of Justice (DOJ) na maghain ng class suit laban sa mga responsable sa Bataan oil spill.
Ito ang napagkasunduan sa ginanap na pagpupulong ng Oil Spill Inter-Agency Committee sa Department of Justice (DOJ) na dinaluhan ni Philippine Coast Guard commandant Admiral Ronnie Gavan at Cavite Governor Jonvic Remulla at iba pang opisyal.
Sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagkasundo ang lahat na maghain ng class suit na isasampa ng mga apektadong mangingisda laban sa may-ari ng lumubog na MT Terranova.
Sa ilalim ng Rules of Court, ang class action ay isang ligal na paraan kung saan ang plaintiff ay magsasampa ng kaso para sa grupo ng mga tao na napinsala.
Magugunitang July 25 tumaob ang MT Terranova at lumubog 3.6 nautical miles east ng Lamao Point sa Limay, Bataan.
Dala nito ang 1.4 milyong litro ng industrial fuel.
Samantala, ang isa pang barko na MTKR Jason Bradley na lumubog sa Mariveles, Bataan nitong July 27 ay may dala naman na 5,500 na litro ng diesel na tumagas din sa dagat.
Ang ikatlong barko na MV Mirola 1ay sumadsad malapit sa baybayin ng Mariveles at tumahas din sa dagat ang langis nito.
Ayon kay Remulla, naniniwala ang mga otoridad na konektado ang tatlong barko partikular ang MT Terranova at MTKR Jason Bradley.
Samantala, inihayag ni Governor Remulla na nasa ₱1 bilyon ang mawawalang kita ng Cavite sakaling manatili ng hanggang tatlong buwan ang fishing ban.
Sa pagtaya ng gobernador, nasa P12 milyon kada araw ang lugi ng Cavite dahil sa pangyayari at kung tatlong buwan ang ban ng BFAR sa pangingisda ay aabot ng P1 billion ang ikalulugi ng Cavite.
Iniulat naman ng Office of Civil Defense na may kabuuang 352,179 katao sa mga coastal barangays sa Cavite ang naapektuhan na ng oil spill. Teresa Tavares