MANILA, Philippines- Umaasa si Mary Jane Veloso na makauuwi siya sa kanyang pamilya at mabibigyan ng clemency sa Pilipinas matapos makulong ng 14 taon sa Indonesia.
Sa isang panayam sa Soekarno-Hatta International Airport sa Jakarta, sinabi ni Veloso na nagpapasalamat siyang makauuwi siya sa bansa.
“Nagpapasalamat ako kasi makakauwi na (ako) sa Pilipinas, pero I hope makauwi sa pamilya ko,” ani Veloso.
“Gusto ko na makalaya ako… Clemency… mapawalang sala. Kasi wala akong kasalanan,” giit pa niya.
Dumating si Veloso sa Pilipinas nitong Miyerkules ng umaga.
Sinintensyahan ang 39-anyos na Pilipina ng kamatayan matapos mahulihan ng 2.6 kilo ng heroin sa Indonesia noong 2010.
Noong 2015, sinabi ni dating Indonesian President Joko Widodo na binigyan lamang ng pamahalaan si Veloso ng “temporary reprieve” mula sa nakatakdang pagbitay sa kanya kaugnay ng umano’y human trafficking.
Subalit, nitong Nobyembre, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagkasundo ang Manila at Jakarta na ilipat si Veloso sa Pilipinas, at pinasalamatan si Indonesian President Prabowo Subianto at kanyang gobyerno. RNT/SA