Home NATIONWIDE One-stop shop para sa OFWs pinasinayaan

One-stop shop para sa OFWs pinasinayaan

MANILA, Philippines- Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang one-stop shop ng Department of Migrant Workers (DMW) para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Makati City.

“Ngayong araw, masaya kong ipinapahayag ang pagbubukas ng — itong Bagong Pilipinas Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Center at ng bagong opisina ng Department of Migrant Workers dito sa Makati,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang naging talumpati.

“Ang AKSYON Center ay hindi lamang isang opisina. Isa itong simbolo ng mabilis, maayos, at pinagsama- samang serbisyo para sa ating mga OFW. Layunin nitong gawing mas madali ang kanilang proseso — mula sa reintegrasyon, legal na tulong, hanggang sa pagsasanay at iba pang serbisyong kailangan nila,” dagdag niya.

Aniya, ang bagong DMW office ay “special” lalo pa’t ang one-stop shop ay nagbibigay ng mahalagang serbisyo para sa OFWs, gaya ng document processing ng mga nagbalik-bayan, OWWA membership, renewal, at iba pang serbisyo na hinahanap ng DMW.

Accessible din aniya ito na katagpuin ang mga pangangailangan ng mga nakatira sa southern area o katimugang lugar ng National Capital Region (NCR.)

Nagtalaga rin ang tanggapan ng lugar na tinawag na Migrant’s Brew — isang espasyo na nagbibigay ng lugar para mag-relax habang ini-enjoy ang kape at refreshments.

“Bukod dito, makikipagtulungan din ang AKSYON Center sa iba’t ibang ahensiya tulad ng PhilHealth, Pag-IBIG, SSS upang masigurong mabilis at walang aberya ang pagkuha ng mga dokumento at benepisyo [ng] ating mga kababayan. Sa madaling salita, aalisin nito ang komplikasyon ng burukrasya at gagawing maayos ang sistema para sa ating mga manggagawa. Sa ating mga OFW na nagbabalik bansa, sa halip na maabala pa kayo sa mahahabang pila’t magulong proseso, bubungad na sa inyo ang maayos at mabilis na sistema upang makuha ninyo ang serbisyo, benepisyo, at programa ng ating pamahalaan,” ang pahayag ng Pangulo.

Binanggit pa ng Pangulo ang eGov PH app, gagawing mas madali ang pagproseso ng mga birth certificate at driver’s license at pagtingin sa loan status sa pamamagitan ng paggamit lamang ng smartphones.

Aniya pa, may ilang OFWs ang ayaw umuwi ng Pilipinas sa pangambang wala silang hanapbuhay kapag nagbalik sa bansa.

“That’s why the one-stop shop includes retraining, reskilling, upskilling, and finding job placements wherever. Not solely in the Philippines but also abroad. And that is why, that’s what gave birth to this whole system that we have put together today,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

Tiniyak naman ng Chief Executive sa mga OFWs na suportado sila ng gobyerno.

“Sa ating mga masisipag — sa ating masisipag at matatapang na OFW, tandaan ninyo: Nandito ang inyong gobyerno para sa inyo,” patuloy niya. Kris Jose