ipagpapatuloy ng inyong Agarang Serbisyo Lady ang isyu walang subsidiya manggagaling sa Kongreso ang Philippine Health Insurance Corporation (PHILHEALTH) para sa taong 2025 dahil sa napag-alamang nasa Php 600 bilyon reserve fund nito.
Matatandaan na hindi naglaan ang BICAM ng pondo para sa subsidiya ng indirect members dahil sa napag-alamang reserbadong pondo ng PHILHEALTH. Ang hakbang ay kinuwestiyon nina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na siyang chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at ni Risa Hontiveros.
Paliwanag ni Senator Grace Poe na siyang chairperson ng Senate Finance Committee, napag-desisyunan ito matapos mapansin ng mga mambabatas na ang inilalaang subsidiya ng pamahalaan ay hindi naman ginagamit ng PHILHEALTH kundi inilalagak sa isang bank account na aniya ay maliit lamang ang kinikitang interes.
Ang hindi pagbibigay ng subsidiya ay para gamitin muna ng health insurance corporation ang nakalaang reserve fund nito. Habang ang pera sanang ilalaan sa kanila ay inilaan muna ng Kongreso sa mga sektor na tunay na nangangailangan ng pondo.
Ayon kay President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr., kakayanin ng PHILHEALTH na magpatuloy sa pagbabayad ng buwanang kontribusyon ng bulnerableng sektor at maghatid ng mga serbisyong pangkalusugan alinsunod sa probisyon ng Universal Health Care.
Tinanggap umano ng PHILHEALTH ang desisyon ng Bicameral Conference Committee ng Kongreso na huwag maglaan ng subsidiya ngayong taon at gamitin ang pondo sa ibang mga pangangailangan din naman ng bansa.
Siniguro naman ni President at Chief Executive Officer Emmanuel Ledesma, Jr. na tutuparin at tatalima ang health insurance corporation sa mandato nito.
Mayroon naman umanong mapagkukunan para magpatuloy ang National Health Insurance Program dahil maayos at matatag ang pananalapi ng ahensiya. Patunay aniya rito ang Php 281 billion na reserbadong pondo, Php 150 billion na surplus fund, at Php 489 billion na investment portfolio.
Ginagarantiya ng PHILHEALTH na magpapatuloy ang pagbabayad para sa buwanang kontribusyon ng indirect members na kabilang sa sektor ng mga nakatatanda, person with disabilities, at mga mahihirap.
Nauunawaan ng health insurance corporation ang kahalagahan ng mga benepisyong naipagkakaloob sa mga pasyente kaya naman higit pa nila itong pagbubutihin at iaangkop sa pangkasalukuyang sitwasyon at pangangailangan ng mga miyembro.
Makaaasa umano ang publiko sa patuloy na paglilingkod ng PHILHEALTH para sa pagsusulong ng UHC at kapakanang pangkalusugan ng mga mamamayan.