MANILA, Philippines – Sinabi ng isang dating auditor ng Commission on Audit nitong Miyerkules, Agosto 5, na walang malinaw na probisyon sa umiiral na mga patakaran kung pinahihintulutan o ipinagbabawal ang paggamit ng alyas ng mga tumatanggap ng confidential funds.
Sa ika-13 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, sinabi ni prosecution witness Roderick Wamil, dating auditor ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office, na tahimik ang 2015 joint circular hinggil sa paggamit ng mga codename o alyas.
“Based on the provisions of the joint circular, it is neither allowed nor prohibited since silent po ang joint circular as to that,” sagot ni Wamil kay Senator-Judge Bam Aquino.
Magkatuwang na inilabas ang circular ng COA, Department of Budget and Management, Department of the Interior and Local Government, Governance Commission for GOCCs, at Department of National Defense. Nakasaad dito ang mga tuntunin sa paglalabas, paggamit, pag-uulat, at pag-audit ng confidential at intelligence funds.
Sinabi rin ni Wamil na walang paraan ang COA upang matukoy kung gumamit ng alyas ang isang tumanggap ng pondo.
“But in general, ang tinatanggap ninyong dokumento dapat totoong tao?” tanong ni Aquino.
Sumagot nang oo si Wamil.
Nang tanungin ni Senator-Judge Erwin Tulfo kung nangangahulugang pinapayagan ang alyas dahil walang nakasaad na pagbabawal, sinabi ni Wamil: “Hindi po (no), Your Honor. It is neither allowed nor prohibited.”
Tinanong din si Wamil kung bakit hindi hiningi ng COA ang tunay na pagkakakilanlan ng mga recipient nang i-audit ang Office of the Vice President.
“Ang focus po ng audit namin ay compliance audit. So kung ano ang provision ng circular, ‘yun po ang ginagawa naming basis for our audit po,” sagot niya.
Lumabas ang pangalang “Mary Grace Piattos” sa mga acknowledgment receipt para sa P125 milyong confidential funds ng OVP na inilabas sa mga huling araw ng Disyembre 2022.
Kabilang din sa mga pangalang lumitaw sa mga resibo sina Mico Harina, Nova Santos, Patty Ting, Andy Lim, Alejandro Pikit, at Feonna Biong. RNT