MANILA, Philippines- Iniugnay ng Commission on Audit (COA) si Tarlac City Mayor Maria Cristina C. Angeles sa sunod-sunod na iregularidad sa mga multi-milyong pisong proyekto sa aspalto, kabilang ang mga umano’y kontratang walang pahintulot, dobleng bayad, at anito’y conflict of interest dahil sa kumpanyang pag-aari umano ng kanyang asawa.
Ayon sa Fraud Audit Report No. 2025-003, isinagawa umano ang mga proyekto sa kalsada kahit walang aprubadong awtorisasyon mula sa Sangguniang Panglungsod. Pinuna rin ng COA ang umano’y double payments sa overlapping portions ng asphalt work, malinaw na kaso anila ng labis na paggasta ng pondo.
Natuklasan din na ang mga materyales ay galing sa Northern Builders, isang kumpanyang pag-aari umano ng asawa ni Mayor Angeles. Giit ng COA, ito ay malinaw na conflict of interest. Bukod dito, naglabas umano ng kabuuang P21.23 milyon sa mga tseke kahit wala pang opisyal na disbursement vouchers—tinukoy nitong palatandaan ng posibleng pandaraya.
Kabilang din umano si Mayor Angeles sa iregular na kontrata para sa solid waste hauling na nagkakahalaga ng P41.2 milyon. Tinukoy ng audit na umano’y pekeng pre-procurement conference ang isinagawa at inaprubahan ang supplier kahit wala umanong sapat na technical qualifications. Sa huli, direktang pinanagot ng COA si Mayor Angeles sa anito’y pagbibigay ng labis na benepisyo sa hindi kwalipikadong supplier.
Hinihikayat ng ulat ang mga kaukulang ahensya na imbestigahan ang alkalde at iba pang opisyal para sa posibleng legal and administrative sanctions.