Home NATIONWIDE COA nagpaalala sa LGUs sa paggamit ng AICS fund

COA nagpaalala sa LGUs sa paggamit ng AICS fund

MANILA, Philippines- Binalaan ng Commission on Audit (COA) ang local government units (LGUs) laban sa paggamit ng pondong nakalaan para sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program sa ibang proyekto bukod sa pagtugon sa pangangailangan ng mga pamilyang nasa krisis.

Sinabi nitong dapat mahigpit na sumunod ang LGUs sa mga probisyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Memorandum Circular No. 16 sa pagsusuri at pagsala sa AICS recipients upang magamit nang mabuti ang pondo.

Sa 2023 annual audit report (AAR) ng COA, binanggit nito ang kaso ng bayan ng Sinait sa Ilocos Sur. Ginamit ng bayan ang P464,000 ng AICS funds nito upang magbigay ng food subsidy sa iba’t ibang indibidwal bilang “supplement” para sa mga barangay na hindi nakatanggap ng food allowances mula sa isang politiko sa barangay election noong 2023.

Isa ang AICS sa social welfare services ng DSWD na nagbibigay ng medical assistance, burial, transportation, education, food, o financial assistance para sa iba pang support services o pangangailangan ng indibidwal o pamilya.

Sinabi ng DSWD sa website nito na “the objective of the AICS Program is to help our poor countrymen who are in crisis to meet their needs.”

Ayon sa COA sa post-audit nito ng petty cash vouchers sa bayan ng Sinait, mayroon umanong apat na “replenishments” ng petty cash fund na kinabibilangan ng bayad para sa food subsidy sa mga indibidwal na may kabuuang P464,000 na kinaltas mula sa AICS program. Ipinamahagi ito sa 232 indibidwal ng tatlong barangay.

Iginiit nito na ang food subsidy sa 232 indibidwal ay hindi nakahanay sa DSWD Memorandum Circular (MC) No. 16, Series of 2022, dahilan upang hindi makatalima sa layunin ng pondo na tulungan ang mga indibidwal at pamilyang nasa crisis/emergency situations.

“It was observed that in the months of October and November of the year (2023) under audit, the provision or payment of food subsidy to AICS recipients abruptly and unexpectedly escalated. No payment of the same nature was noted in the previous months, hence doubt arises on these transactions,” saad sa ulat ng COA.

Anito, nang magtanong ang state auditors sa municipal accountant ukol sa P464,000 na kinuha sa AICS Program, napag-alaman nilang sinagot ng munisipalidad ang probisyon ng food subsidy sa mga indibidwal bilang “supplement” para sa mga barangay na hindi nakatanggap ng food allowances mula sa isang politiko noong barangay election.

Dahil dito, iginiit ng audit team na ang mga benepisyaryo ng food subsidy ay hindi mga kwalipikadong recepient ng AICS program dahil hindi sila maituturing na persons in crisis situation.

“Though the intention of the local government unit is noble, the fund utilized to finance the same is inappropriate. This amount would have been more beneficial to the more disadvantaged/vulnerable individuals,” pahayag ng COA.

Bagama’t ipinaliwanag ng munisipalidad na nagamit na nila ang kanilang calamity fund kaa ginamit ang AICS Program fund, inirekomenda ng COA na dapat pa ring sumunod ang Sinait sa mga probisyong itinakda sa DSWD MC No. 16 sa pagsuri at pagsala sa AICS recipients. RNT/SA