Home NATIONWIDE Coal nangunguna sa PH power mix

Coal nangunguna sa PH power mix

MANILA, Philippines- Nananatili ang coal na dominanteng pinagkukunan ng enerhiya sa Pilipinas noong 2023, bagama’t bahagyang bumaba ang bahagi nito sa kabuuang on-grid capacity, ayon sa datos mula sa Department of Energy (DOE).

Makikita sa datos ng DOE ang kabuuang installed on-grid capacity ng coal-fired power plants na sumampa sa 12,406 megawatts (MW), mas mababa ng 0.18% mula 12,428 MW noong 2022.

Pagdating sa ambag sa on-grid power mix, naitala ang coal ng 43.9%, bahagyang mas mababa kumpara sa 44% share nito sa grid noong 2022.

Sa patuloy na pangunguna ng coal sa power mix ng bansa, nanawagan ang Energy Department sa power generation firms na boluntaryong magretiro o i-repurpose ang kanilang umiiral na coal-fired power plants bilang bahagi ng pagsisikap na paigtingin ang bahagi ng renewable energy sa power mix ng 50% pagsapit ng 2040.

Samantala, makikita naman ang pagtaas ng renewable sources tulad ng hydro at solar, sa kanilang installed on-grid capacities.

Bumaba naman ang oil-based power sources ng 2.5% sa 3,737 MW mula 3.834 MW noong 2022, habang hindi nagbago ang natural gas sources sa 3,732 MW.

Pareho pa rin ang installed capacity mula sa iba pang renewable sources, ang geothermal at wind, sa 1,952 MW at 427 MW.

Bumaba naman ang total capacity installed ng biomass sa 585 MW mula 611 MW year-on-year.

Lumago ang total installed on-grid capacity ng Pilipinas ng 0.12% sa 28,291 MW noong 2023 mula 28,258 MW noong 2022. RNT/SA