MANILA, Philippines- Mahigit 7,000 paaralan sa iba’t ibang parte ng bansa ang nagsuspinde ng in-person classes at lumipat sa alternative delivery modes dahil sa banta ng matinding init ng panahon ngayong Biyernes.
Ayon sa Department of Education (DepEd), may kabuuang 7,080 sa 47,678 eskwelahan sa bansa (14.8%) ang nag-anunsyo ng suspensyon ng face-to-face classes.
Karamihan sa mga apektadong paaralan ay matatagpuan sa Central Luzon sa 1,903, sinundan ng Central Visayas sa 870 at Western Visayas sa 862.
Sa National Capital Region, 311 paaralan ang nagsuspinde ng face-to-face classes.
Noong 2022, ipinalabas ng Department of Education (DepEd) ang Department Order 37, na nagbibigay sa school heads ng awtoridad na suspendihin ang in-person classes at lumipat sa alternative delivery modes sa kaso ng matinding init at iba pang kalamidad na maaaring makakompromiso sa kalusugan at kaligtasan ng mga estudyante, guro, at non-teaching personnel.
Ayon pa sa DepEd, may awtoridad din ang regional directors at superintendents na ilipat ang class schedules nang mas maaga o hapon dahil sa mataas na temperatura.
Inihayag ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte nitong Lunes na hindi kailangang pairalin ng mga paaralan ang make-up classes matapos masuspinde ng face-to-face classes sa ilang lugar dahil sa sobrang init.
Para sa araw ng Biyernes, nauna nang nag-abiso ang state weather bureau PAGASA na anim na lugar sa bansa ang makararanas ng “danger” level heat index.
Inaasahang mararanasan sa mga sumusunod na lugar ang pinakamataas na heat index hanggang 44°C:
Dagupan City, Pangasinan: 44°C
Bacnotan, La Union: 43°C
Puerto Princesa City, Palawan: 42°C
Aborlan, Palawan: 42°C
Catarman, Northern Samar: 42°C
Cotabato City: 42°C. RNT/SA






