Manila, Philippines – NANAWAGAN ang Coalition Against Corruption at Kilusang Pagbabago National Movement for Change, sa Korte Suprema na aksyunan ang mga insidenteng kinasasangkutan ng ilang piskal ng Department of Justice na tumatanggap ng mga pekeng reklamo para makapangikil ng malaking halaga.
Sa panayam ng media sa harap ng Korte Suprema, sinabi ni Monalie Dizon, CAC/KPNMC secretary general, na ang kanilang panawagan ay bilang tugon sa ginawang babala ni Chief Justice Alexander Gesmundo kamakailan.
Nagbabala si Gesmundo na mag-ingat ang publiko at mga opisyal ng korte hinggil sa pagkalat ng mga pekeng reklamo at mga pekeng complainant.
Isinumite ni Dizon kay Gesmundo ang 5-pahinang liham ni Atty. Baltazar Beltran kung saan isinumbong ang nangyaring katulad na insidente sa Olongapo City Prosecutor’s Office noong Pebrero, na kinasasangkutan nina Deputy City Prosecutor Ria Niña Sususco at Assistant City Prosecutor Lilia Elizabeth Hinanay-Escusa.
Si Beltran ang abogado ng mag-inang Lacsina Ann Sinlao at alyas ‘Jenny’ na umano’y ginamit bilang “complainants” ng isang “sindikato” sa Subic Free Port upang sampahan ng kasong rape at illegal detention ang isang Taiwanese locator sa Subic Free Port.
Isinampa ang pekeng reklamo noong Pebrero 13 na inaprubahan ni Escusa.
Balak umano ng “Subic Syndicate” na i-blackmail ng P50 milyon ang nasabing Taiwanese, dagdag pa ni Dizon.
Aniya pa, masyadong mapanganib sa integridad ng sistema ng hustisya sa bansa ang insidente at dapat lang agad itong aksyunan ng Korte Suprema.
Noong Marso, personal na nagpunta si Sinlao, Beltran, at Atty. Lovensky Fernandez, abogado ng negosyante, upang itanggi ni Sinlao na sila ng kanyang anak na si Jenny ang humarap at nagpatotoo kay Escusa sa reklamo.
Sa kabila nito, pinagtakpan umano ni Sususco si Escusa at binalewala ang pahayag ni Sinlao.
Idinagdag pa umano ni Sususco na inihahanda na ang resolusyon na magdidiin sa kliyente ni Fernandez.
Bago ito, tiniyak pa umano ni Sususco na padadalhan ng sulat ang Taiwanese upang maibigay ang panig nito bago sila gumawa ng desisyon.
Bunga nito, umapela si Fernandez at Beltran kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Prosecutor General Richard Fadullon.
Ipinalipat naman ni Fadullon ang imbestigasyon na napunta sa Cabanatuan Prosecutor’s Office sa Nueva Ecija.
Si Escusa, Sususco at siyam na iba pa ay sinampahan naman ni Sinlao ng reklamong kidnapping, human trafficking at child abuse sa Olongapo OCP noong Agosto 29.
Agad namang nag-inhibit sa imbestigasyon si Olongapo Chief Prosecutor Charlie Lim Yap dahil sa conflict of interest at ipinaubaya ang desisyon kay Prosecutor General Richard Fadullon. RNT