MANILA, Philippines – Nagsasagawa ang Commission on Elections (Comelec) ng fact-finding investigation sa viral video ng umano’y vote buying activities ni Batangas First District Representative Leandro Leviste.
“Fact finding lang po,” ani Garcia.
“Inaalam po namin kung kailan nangyari at kung nangyari. Upang malaman po kung kandidato na ba ng panahon na ‘yon,” dagdag pa sa panayam ng GMA News.
Sa kumalat na video kasi ay makikita si Leviste na namimigay ng pera sa mga taong nakapila.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, ang mga indibidwal o kandidato ay maaaring maharap sa pagkakulong o diskwalipikasyon sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno kung mapatutunayang sangkot sa vote buying.
Sa Facebook post, sinabi ni Leviste na si Executive Secretary Ralph Recto ang nasa likod ng pagkalat ng video.
Nilinaw naman ni Leviste na ang aktibidad ay nangyari sa panahon ng Pasko at ang pera ay mula sa kanyang bulsa.
“Pinapakalat ni Ralph Recto ang video ng pamimigay ko ng pera noong Pasko na galing sa sarili kong bulsa. Mas mabuti ba kung huwag na lang tumulong, kahit hindi eleksiyon at hindi ka-distrito? O dapat ba ang ipamigay ay pera ng gobyerno, o pera ng contractor? Nagtatanong lang po,” ani Leviste.
“‘Gawang Recto’ lang iyan. Kitang kita sa video na hindi campaign period, kundi Pasko. Ipagbabawal na ba ang pamimigay ng pamasko?” ayon pa sa mambabatas.
Samantala, pinabulaanan naman ni Recto ang paratang ni Leviste. RNT/JGC