Home HOME BANNER STORY Comelec chief kay PBBM: Foreign entities ‘wag hayaang makialam sa eleksyon

Comelec chief kay PBBM: Foreign entities ‘wag hayaang makialam sa eleksyon

MANILA, Philippines – Hiniling ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Huwebes, Agosto 8, na huwag nitong hayaang makialam sa eleksyon ang anumang foreign entities.

Ang pahayag na ito ni Garcia ay matapos na ipresenta ang ebidensya na nagpapakitang nasa likod ng umano’y offshore bank accounts na iniuugnay sa kanyang pangalan, ang electronic voting systems provider na Smartmatic.

Batay umano sa kanilang research, isinagawa ng Jaleo Consulting, LLC, na nakarehistro sa Florida, USA ang offshore bank transactions na iniuugnay sa kanya.

“Ako po ay nakikiusap, humihingi ng tulong sa ating kagalang-galang na Pangulo Ferdinand R. Marcos [Jr.],” ani Garcia.

“Sana po matulungan tayo na ‘yong ganitong tao, entities ay hindi makapamayagpag sa ating lipunan. Alam niyo po, ito po ay isang banta sa ating demokrasya, ang pakikialam ng isang foreign entity sa ating halalan,” dagdag pa niya.

Noong Hulyo, sinabi ni Sagip party-list Rep. Rodante Marcoleta na nakatanggap umano ng fund transfers na nagkakahalaga ng P1 bilyon ang umano’y offshore accounts ng isang opisyal ng Comelec.

Hindi naman pinangalanan ni Marcoleta kung sino ang opisyal ng Comelec.

Noong Agosto 1, sinabi ni Marcoleta na isang volunteer sa New York ang nagtransfer sa dalawang offshore accounts na umano’y iniuugnay sa isang “George Erwin Mojica Garcia.”

Pinabulaanan naman ni Garcia ang paratang ni Marcoleta at sinabing ang offshore accounts ay kabubukas lamang at ang bank transactions ay magpapatuloy sa kabila na mali ang pangalan nito basta’t tama ang account numbers nito.

Humingi na ng tulong si Garcia kay Speaker Martin Romualdez at Senate President Francis Escudero.

“Sana huwag po tayong papayag na ang atin pong mga opisina, mga institusyon ay magagamit upang maghasik ng mga kasinungalingan, magbintang sa mga tao, at manira ng puri ng iba,” aniya. RNT/JGC