MANILA, Philippines – Pinagtibay ng Korte Suprema (SC) ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na mag-disqualify sa isang kandidato sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) dahil sa paglabag sa “anti-dynasty” clause ng SK Reform Law matapos ibasura ng en banc ang petisyon ni Merson Calubag.
Sa petisyon, kinuwestyon ang resolusyon ng Comelec na nagkansela ng kanyang certificate of candidacy (COC) bilang SK chairperson ng Barangay Magtangale, San Francisco, Surigao del Norte noong nakaraang BSKE, ayon sa pahayag ng SC Public Information Office nitong Biyernes.
Ayon sa Comelec, maling idineklara ni Calubag sa kanyang COC na hindi siya kaanak sa loob ng second civil degree of consanguinity o affinity ng sinumang incumbent na miyembro ng Sangguniang Barangay ng Barangay Magtangale, kahit pa ang kanyang ina ay kasalukuyang miyembro nito.
Ang Section 10, o ang “anti-dynasty clause” ng Republic Act (RA) 10742 (Sangguniang Kabataan Reform Act of 2015), ay nagtatakda na ang isang kandidato para sa SK ay hindi dapat kaanak sa loob ng second civil degree ng sinumang incumbent na opisyal ng barangay, lungsod, munisipalidad, probinsya, rehiyon, o pambansang posisyon sa lugar kung saan sila tatakbo.
Kinilala ng SC ang legislative framework ng RA 10742 bilang tugon ng Kongreso sa panawagan ng Konstitusyon na tukuyin at pigilan ang political dynasties, partikular sa antas ng barangay at SK.
Idiniin ng SC na ang batas na ito ay nagbibigay-buhay sa polisiyang nakapaloob sa Konstitusyon na nagbabawal sa political dynasties. Jocelyn Tabangcura-Domenden