MANILA, Philippines – Sisimulan na ring maglatag ng checkpoints sa darating na Sabado, Enero 11, at tatagal hanggang Hunyo 12, sinabi ng Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Comelec cahirman George Erwin Garcia na ang checkpoint ay babantayan ng pulis at mga sundalo upang masiguro ang pagpapatupad ng election gun ban sa buong bansa.
Paliwanag ni Garcia, ang nasabing petsa ay election period na rin kaya ganoon din kahaba ang checkpoint.
Sa checkpoint, tanging visual search lamang ang pahihintulutan at ang mga motorista ay kailangang buksan ang kanilang compartments, trunks at bags.
Aarestuhin ng awtoridad ang sinumang lalabag sa gun ban.
Sinabi ni Garcia na nagsimulang tumanggap ng aplikasyon ang Comelec para sa gun ban exemption noong Disyembre 2024.
Ang mga regular na opisyal, miyembro at ahente ng ilang ahensya ng gobyerno ay pinapayagang magdala ng armas sa panahon ng election period. Jocelyn Tabangcura-Domenden