MANILA, Philippines – BUMWELTA ang pamunuan ng Leonel Waste Management Corporation matapos silang sisihin ng lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila makaraang abandonahin umano nila ang kanilang trabaho sa paghahakot ng basura sa kabisera ng bansa simula sa mismong unang araw ng taon 2025.
Sa ipinadalang kalatas ng Leonel Waste Management, pinabulaanan nila ang nasabing akusasyon na tinalikuran nila ang kanilang obligasyong paghahakot ng mga basura sa lungsod na nakasaad sa kontrata na magtatapos ng Disyembre 31, 2024.
Anila, sa katunayan ay inatasan nila ang kanilang mga tauhan na ipagpatuloy ang serbisyo kahit ini-anusiyo na nila sa mga ito noong Disyembre 23, 2024 na matatapos na ang kanilang kontrata ng Disyembre 31, lalu’t inaasahan na nilang dodoble ang basura sa panahon ng Kapaskuhan.
Giit pa ng Leonel, noong nakaraang Setyembre, 2024 pa nila ipinagbigay-alam kay Mayor Honey Lacuna na hindi na sila lalahok sa bidding dahil sa napakalaking utang na hindi nababayaran sa kanila ng Maynila na lumobo na sa P561,440.00, para na rin mabigyan ng sapat na oras ang Lungsod na makapaghanda para tiyakin ang maayos na pagsasalin ng serbisyo sa bagong kontratista.
Sa kabila umano nito, tinupad pa rin nila ang kanilang obligasyon at bilang patunay, may mga dokumento sila at larawan na may petsa, pati na Barangay Certification na pirmado ng mga kinatawan ng barangay na patunay na tuloy-tuloy ang pangongolekta nila ng basura.
Hindi rin kinaligtaan ng Leonel na pasalamatan ang Lungsod ng Maynila sa oportunidad na ipinagkaloob sa kanila upang makapagsilbi sa Lungsod ng 25-taon bilang taga-kolekta ng basura.
“Since 1993, Leonel has provided reliable and consistent professional garbage collection services to localities around the Philippines, including multiple Highly Urbanized Cities, and the City of Manila is no exception to this. We are proud of the work that we do and will not do anything to tarnish out track record and reputation,” saad ng Leonel. JR Reyes