MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang hinihinalang smuggler ng sigarilyo kasabay ng pagkakasamsam sa halos P4.24 milyong halaga ng kontrabando sa ikinasang operasyon sa Libungan, North Cotabato, nitong Linggo, Enero 5.
Ayon kay Major Arnold Andaya, Libungan municipal police chief, kulang sa kaukulang graphic health warnings ang mga nakumpiskang sigarilyo.
Sa isang sumbong, nadiskubre ng pulisya na ang mga naismagel na sigarilyo ay nakatambak sa Sitio Abacanhan, Barangay Cabaruyan.
Ang mga ito ay itinago sa cargo truck at tinakpan ng tarpaulin.
Kinilala ang suspek sa alyas “Alex” na ngayon ay nasa kustodiya ng Libungan police station, at mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10643, o Graphic Health Warnings Law. RNT/JGC