MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III sa gobyerno na patindihin ang parusa laban sa reckless driving at itaguyod ang road safety sa gitna ng lumulubong bilang ng aksidente sa lansangan.
Isinagawa ni Pimentel ang panawagan matapos maglabas ng ulat ng Department of Health (DOH) na umabot sa 577 road accidents ang naganap mula Disyembre 22, 2024 hanggang Enero 2, 2025.
“Hindi na dapat natin balewalain ang mga aksidente sa kalsada. Kailangan ng mas mahigpit na batas at mas mahusay na pagpapatupad upang maprotektahan ang ating mga mamamayan,” ayon kay Pimentel.
Naghain si Pimentel ng panukalang Senate Bill No. 1015 na naglalayong aamendahan ang Article 365 of Act No. 3815 o ang Revised Penal Code, as amended, upang tugunan ang reckless driving at itaguyod ang road safety.
Layunin ng panukala na magtakda ng mas Matinding parusa sa lumalabag sa batas trapiko, hindi angkop na edukasyon ng drayber at pagsasanay at pahusayin ang road infrastructure.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang Estado na gumawa ng mas aktibong papel sa pagrereporma ng mental attitude o kondisyon na nagreresulta sa reckless driving.
Layunin din ng panukala na bigyan ng mas matalim na pangil ang batas sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Article 365 ng RPC na itaas ang parusa ng pagkakakulong sa kasong imprudence and negligence.
“Maiiwasan at mababawasan ang mga aksidente sa kalsada sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mas mahigpit na batas at pagpapahusay sa ating sistema ng transportasyon, ani Pimentel.
Sinabi ni Pimentel na mas mahalagang bigyan ng prayoridad ang kaligtasa at pagsunod sa regulasyon ng trapiko at ituro sa publiko ang kamalamyan at responsableng ugali sa pagmamaneho.
“Tandaan natin na ang bawat buhay ay mahalaga. Maging responsable sa pagmamaneho at sundin ang mga batas trapiko upang maiwasan ang mga aksidente,” aniya. Ernie Reyes