MANILA, Philippines – Naglabas ng resolusyon ang Commission on Elections (Comelec) na nagpapahintulot sa mga law enforement na arestuhin ang mga vote buyers at sellers na walang warrant kapag sila ay naaktuhang nagsasagawa ng illegal na aksyon.
Ang Resolution No. 11104 ay magpapalawak ng awtoridad ng Committee on Kontra-Bigay ng poll body na subaybayan ang pagbili at pagbebenta ng boto sa Eleksyon 2025.
Ang resolusyon ay nagpapahintulot sa isang tagapagpatupad ng batas na gumawa ng walang warrant na pag-aresto kung siya ay nakasaksi ng isang pagtatangkang gumawa o nagawa na mga pagkakasala sa halalan.
“Any law enforcement officer may, without a warrant, arrest a person when, in his or her presence, the person to be arrested has committed, is actually committing, or is attempting to commit the election offense of vote-buying and vote-selling or act constituting ASR (abuse of state resources),”ayon sa resolusyon.
Samantala, ang materyales na ginamit sa vote buying o selling ay nasa ilalim ng kustodiya ng pulisya.
Sa kabilang banda, nakapag-imprenta na ng siyam na milyong balota ang poll body sa loob ng isang linggo.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, sa 500 na makina para sa machine verification ay 250 pa lamang ang nagagamit kaya plano ring gamitin ang 250 pa na makina mula ngayong araw.
Isinasaalang-alang din ng Comelec na kumuha ng mas malaking espasyo sa punong-tanggapan ng National Irrigation Administration at sa Amoranto Sports Complex bilang venue para sa verification ng mga balota.
Dagdag pa, hiniling ng poll body kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magtalaga ng mga bagong komisyoner batay sa kasalukuyang listahan ng mga opisyal sa Comelec kasunod ng pagreretiro nina Commissioners Soccorro Inting at Marlon Casquejo. Jocelyn Tabangcura-Domenden