MANILA, Philippines -Naglabas ang Commission on Elections (Comelec) ng pansamantalang listahan ng mga kandidato ay nominado para sa Setyembre 14 o sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE).
Maaaring tingnan ng publiko ang listahan ng mga kandidato para sa mga kinatawan ng parliamentary district at mga nominado ng Regional Parliamentary Political Parties (RPPPs) at Parliamentary Sectoral Organizations (PSOs) sa opisyal na website ng poll body.
May kabuuang 13 RPPP ang nasa listahan, kasama ang 30 nominado mula sa mga PSO, kabilang ang walong kumakatawan sa mga settler communities, anim para sa kababaihan, tatlo para sa kabataan, tatlo para sa ulama at 10 para sa mga tradisyonal na pinuno.
Kasama rin sa listahan ang 107 kandidato para sa kinatawan ng parliamentary districts: 17 para sa apat na distrito ng Basilan 10 para sa tatlong distrito ng Cotabato City 33 para sa siyam na distrito ng Lanao del Sur 11 para sa limang distrito ng Maguindanao del Norte 16 para sa limang distrito ng Maguindanao del Sur 7 para sa dalawang distrito ng Special Geographic Area 13 para sa apat na distrito ng Tawi-Tawi.
Hinimok ng Comelec ang mga kandidato, partido, at nominado na i-verify ang mga pangalang lalabas sa opisyal na balota at suriin kung may mga clerical o typographical errors.
Sinabi ng Comelec na kung sakaling mayroong clerical o typographical error sa pangalan na lalabas sa opsiyal na balota gaya ng naka-post, ang aspirant ay maaaring maghain sa Law Department ng kahilingan para sa pagwawasto ng clerical o typographical error hindi lalampas sa Mayo 18, 2026.
Nabanggit nito na ang pagsasama sa listahan ay walang pagkiling sa paghahain ng naaangkop na mga petisyon sa Opisina ng Clerk of Commission na kumukuwestiyon sa mga kwalipikasyon ng mga nominado o kandidato.
Ayon sa Comelec, ang pag-post ng listahan ay magsisilbing pampublikong paunawa ng mga deklarasyon ng mga nominado tungkol sa kanilang mga kwalipikasyon. JocelynTabangcura-Domenden