MANILA, Philippines – Pormal na pinagtibay ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang partnership sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) noong Mayo 14, 2026, sakay ng BRP Gabriela Silang (OPV-8301).
Dumalo sa seremonya si PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan at BFAR National Director Elizer S. Salilig, na layuning palakasin ang laban ng bansa kontra Illegal, Unreported, and Unregulated (IUU) fishing at tiyakin ang pagsunod sa mga internasyonal na regulasyon sa pangisdaan.
Itinatag ng kasunduan ang isang framework para sa High Seas Boarding and Inspection (HSBI) operations sa loob ng Western and Central Pacific Fisheries Commission (WCPFC) Convention Area.
Nilalayon nitong palakasin ang maritime law enforcement, pagpapabuti ng fisheries monitoring, at pagtupad sa mga pandaigdigang kasunduan sa pangisdaan.
Ang PCG ang magbibigay ng mga barko, tauhan, at suporta sa maritime law enforcement, habang ang BFAR naman ang magbibigay ng fisheries inspectors, teknikal na kaalaman, at gabay sa mga regulasyon ng pangisdaan.
Kasama sa partnership ang magkasanib na high seas patrols, coordinated boarding at inspection operations, real-time na pagbabahagi ng impormasyon, at mga training para sa mga inspector at boarding teams.
Pinagtibay din ng MOA ang mga mekanismo para sa ligtas na koordinasyon at intelligence sharing upang mapalakas ang monitoring, control, at surveillance (MCS) laban sa illegal fishing.
Sa pamamagitan ng kolaborasyong ito, pinagtibay ng PCG at BFAR ang kanilang pangako na protektahan ang yamang-dagat, isulong ang sustainable fisheries management, at pangalagaan ang batas sa loob ng maritime jurisdiction ng bansa at high seas. Jocelyn Tabangcura-Domenden