Home NATIONWIDE Comelec nakapag-imprenta na ng 4.6M balota

Comelec nakapag-imprenta na ng 4.6M balota

MANILA, Philippines- Nakapag-imprenta na ang Commsision on Elections (Comelec) ng 4.6 milyong balota na gagamitin para sa May 12 elections simula nang muling mag-imprenta sa National Printing Office (NPO) sa Quezon City.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, ang naturang bilang ay naitala hanggang noong Martes.

Sinabi ni Garcia na gamit sa pag-imprenta sa mga balota ang makina ng Miru Systems at makina ng NPO.

Batay sa datos ng Comelec, nasa 2,494,545 ang running total ng official at Final Testing Sealing (FTS) ballots na naimprenta habang ang Canon printers ng NPO ay may running total na 2,295,459 official at FTS ballots na naimprenta na.

Umaasa naman si Garcia na maaabot ang maximum capacity ng makina sa susunod na mga araw para maabot ang self-imposed deadline na April 14 para sa humigit-kumulang 72 milyong official ballots .

Nauna nang itinigil ng Komisyon ang pag-imprenta ng mga poll ballot sa gitna ng ilang temporary restraining orders (TROs) na inilabas ng Supreme Court (SC) sa mga kaso na kinasasangkutan ng mga national at local candidates.

Dahil dito, nasa 6 milyong naimprentang balota ang nasayang bago maglabas ng mga TRO. Jocelyn Tabangcura-Domenden