MANILA, Philippines- Pinagbigyan ng Commission on Elections (Comelec) ang P20 kada kilong Rice Project ng Department of Agriculture (DA) sa 45 araw na election spending ban bago ang May 12 election.
Sa Comelec Memorandum No.25-07984, pinagbigyan ang kahilingan ng DA na ibukod ang kanilang P5 bilyong pondo para sa pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas mula sa pagbabawal sa paggastos para sa botohan sa Mayo, na ini-exempt ito mula sa Section 261 (v) (1) ng Omnibus Election Code (OEC).
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na isinama ng Comelec ang karagdagang mga alituntunin para sa pagbubukod, kabilang ang pagtiyak ng mga local government units (LGUs) ng magkakahiwalay na certificate of exemption kung mag-resell ng produktong bigas sa mas mababang presyo.
Kasama sa iba pang mga direktiba ang pamamahagi at pagbebenta ng subsidized na bigas na isagawa sa mga pampublikong lugar, at ang media, civil society at mga interesadong grupo ay payagan ang walang limitasyong pag-access sa lugar ng pagpapatupad.
Matatandaang dati nang hindi ini-exempt ng Comelec ang mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa spending ban kabilang ang kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program. Nag-exempt din ito ng mga proyektong pang-imprastraktura simula Disyembre 2024.
Sa ilalim ng Comelec Resolution No.11060, kailangan ng certificate of exemption para maipatupad ang mga aktibidad at programa sa mga proyekto at serbisyo ng social welfare habang ang pagbabawal sa paggastos ng publiko ay may bisa mula Marso 28 hanggang Mayo 11, 2025. Jocelyn Tabangcura-Domenden