Home NATIONWIDE Comelec: Paghahanda para sa BARMM polls ititigil kapag na-resked

Comelec: Paghahanda para sa BARMM polls ititigil kapag na-resked

MANILA, Philippines- Nakahanda ang Commission on Elections (Comelec) na itigil ang paghahanda nito para sa kauna-unahang Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (BARMM) Parliamentary Elections (BPE) sa susunod na taon, sa sandaling maipatupad ang batas na nagpapaliban dito.

Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Tex Laudiangco na nakahanda ang poll body na itigil ang paghahanda sakaling ito ay maging batas.

Kung hindi aniya maipapasa sa batas ay itutuloy na lang ang paghahanda. Sinabi pa ni Laudiangco na ano man ang maging desisyon ay susunod ang komisyon.

Tinutukoy ni Laudiangco ang House Bill 11444, na ipinasa sa pinal na pagbasa ng House of Representatives noong Martes.

Sa ilalim ng panukalang batas, ililipat ang Bangsamoro elections makalipas ang isang taon o mula Mayo 12, 2025 sa Mayo 11, 2026.

Samantala, sinabi ni Laudiangco na patuloy nilang susubaybayan ang mga development sa panukalang reset ng BPE.

Ang BPE ay nakatakdang isabay sa May 2025 midterm election. Jocelyn Tabangcura-Domenden