MANILA, Philippines- Nadagdagan pa ang petisyon na inihain sa Commission on Elections (Comelec) laban kay Erwin Tulfo na tumatakbo sa pagka-senador.
Kasunod ito ng kumpirmasyonn ng komisyon na ang petitioner ay si Bertini Cataluna Causing at grupong Graft-Free Philippines Foundation Inc.
Sa ibinahaging dokumento sa viber media, inihain ang petisyon noong Peberro 25, Martes.
Wala pang ibang detalye na inilalabas ang Comelec kung ano ang nilalaman ng DQ laban kay Tulfo o kung ano ang basehan para siya ay idiskwalipika.
Kamakailan, isang disqualification case rin ang isinampa laban sa pamilya Tulfo na mga kandidato sa Eleksyon 2025 dahil sa umano’y mga isyu tungkol sa kanilang pagka-Pilipino at pagiging bahagi ng isang political dynasty.
Target ding talakayin ng Comelec En Banc sa kanilang sesyon ngayong araw ang usapin sa citizenship ni Tulfo ngunit halos ang kabuuan ayon kay Comelec Chairman George Garcia ay ukol sa political dynasty.
Sa pinakabagong ululat, sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na hindi maaring i-consolidate ang naunang petition for disqualification laban sa magkakamag-anak na Tulfo at ang bagong petisyon na naaksentro kay Cong. Erwin Tulfo.
Ang pahayag ni Garcia ay matapos maharap sa panibagong petition for disqualification si Cong. Tulfo na inihain ng dating abogado na si Bertini Causing.
Giit ni Causing sa kanyang petisyon, disqualified umano si Tullfo bilang kandidato sa pagka-senador matapos ma-convict sa apat na bilang ng libel.
Ang apat na bilang aniya na ito ng libel ay may sangkot na moral turpitude kaya disqualified siya sa pagtakbo.
Ang ikalawang isyu ay hindi umano Filipino citizen si Tulfo dahil isa umano itong US citizen.
Ang ikatlong isyu ay political dynasty dahil ang kapatid nito na si Sen. Raffy Tulfo ay isang incumbent senator.
Binanggit din nitong ang isa pang kapatid na si Ben Tulfo ay tumatakbo rin sa parehong posisyon.
Sinabi ni Tulfo na hindi pa niya natatanggap ang kopya ng petsyon pero handa aniya nitong sagutin.
Paliwanag ni Garcia sa petisyon ni Causing, hindi maaaring pagsamahin ang dalawang kaso na magkaiba ang alegasyon ng petitioner dahil walang pagkakapareho ng party issue bagama’t maaaring parehas ang remedyo. Jocelyn Tabangcura-Domenden