Home NATIONWIDE Comelec, partner agencies pumirma ng kasunduan sa manual audit sa BARMM polls

Comelec, partner agencies pumirma ng kasunduan sa manual audit sa BARMM polls

1
0
Nanguna si COMELEC Chairman George Erwin Garcia, kasama ang mga kinatawan mula sa PPCRV, NAMFREL, PSA, at DepEd, para pumirma ng isang Memorandum of Agreement sa Random Manual Audit ng 2026 BARMM Parliamentary Election sa isang seremonya sa Tanggapan ng COMELEC sa Maynila nitong Biyernes, Agosto 28, 2026. ERIC OCAPAN

MANILA, Philippines – Nilagdaan nitong Biyernes, Agosto 28, ng Commission on Elections (Comelec) at mga partner agencies nito ang Memorandum of Agreement para sa random manual audit (RMA) committee para sa nalalapit na unang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliamentary elections.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na ang RMA ay isa sa mga mahalagang bahagi ng isang halalan dahil kino-countercheck nito ang bilang ng mga automated machine.

Walang silbi ang automated election kung mababa ang accuracy rating ng RMA, ayon kay Garcia.

Noong 2025, nakapagtala ang Comelec ng pinakamataas na RMA accuracy rating sa 99.997%, na nagpapahiwatig ng mataas na maaasahang bilang ng mga balota.

Bahagi ng RMA committee ang mga accredited citizen arm ng Comelec.

Ang ahensya ay pumirma ng magkahiwalay na kontrata sa Philippine Statistics Authority at Department of Education para sa cooperative partnerships.

Isa pang kasunduan ang sinelyuhan sa pagitan ng Comelec, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, at National Movement for Free Elections para sa pagsubaybay sa manual audit.

Nakatakda ang kauna-unahang BARMM parliamentary election sa Setyembre 14, 2026.

Sa kanyang mensahe, ipinunto ni Garcia na sa panahon ng halalan, ang isang malaking problema ay ang mga iregularidad na nangyayari sa labas ng mga makina—partikular ang mga pagkilos na naglalayong manipulahin ang mga resulta ng botohan.

Nanawagan si Garcia sa publiko at mga katuwang na ahensya na pigilan ang mga iregularidad na ito sa pinakaunang BARMM elections.

Aniya, nakakadismaya kung hindi makikita sa resulta ng halalan ang tunay na sentimyento o kagustuhan ng mga botante.

Hinihikayat din ang mga watcher, citizen arm, at iba pang election personnel hindi lamang na bantayan ang mga presinto, kundi subaybayan din ang pag-iimbak at pamamahagi ng mga supply.

Ayon kay Garcia, alas-5 ng umaga hanggang alas-7 ng umaga ang critical period para sa Comelec, dahil ito ang oras kung kailan bubuksan ang mga ballot box upang mabunyag kung pre-shaded ang mga papasok na balota. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here